top of page
Search

Ipinakilala ni Harry Roque sa Netherlands… ROBIN, VP NI SARA

BULGAR

ni Janiz Navida @Showbiz Special | Mar. 25, 2025



Photo: Robin Padilla - Instagram


May Sara-Robin tandem na nga bang niluluto para sa 2028 elections?


Hindi pa man nairaraos ang mid-term elections, mukhang may binabalak na nga ang kampo nina VP Sara Duterte at Sen. Robin Padilla na pagtambalin sila sa pagtakbong presidente at bise-presidente sa 2028 elections.


Nakita kasi namin ‘yung isang video na kuha sa Netherlands kung saan ini-announce at ipinakilala ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque si Sen. Robin bilang VP ni Sara habang nandu’n sila sa labas ng ICC at kausap ang maraming OFWs na supporters ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


So, tama nga kaya ang iniisip at naaamoy namin?


Naku, nakakaloka talaga ang mga kaganapan sa pulitika sa Pilipinas, ‘di ba? Ang dami-daming sorpresa. Hahaha!


 

AND speaking of politics, impressed na impressed naman kami habang pinagmamasdan at pinakikinggan ang first-ever State of the District Address (SODA) ni Quezon City 1st District Congressman Arjo Atayde kahapon sa SM Skydome.


Guwapo na si Arjo ‘pag nakikita naming humaharap sa mga mediacon ng mga TV at movie projects niya, pero mas gumuwapo pa ang tingin namin sa kanya habang naka-barong na nagde-deliver ng kanyang speech sa stage, na take note, umabot ng halos isang oras!


Sayang nga at hindi nakarating ang First Lady ni Cong. Arjo na si Maine Mendoza sa naturang SODA ng aktor-pulitiko dahil nagkataon daw na may work si Maine, kundi, tiyak na nag-crying galore rin si Menggay sa sobrang proud sa kanyang mister.


Nakakabilib din na napapunta ni Arjo sa kanyang SODA ang mga lider ng bawat barangay na nasasakupan niya sa 1st District ng QC, at ramdam na ramdam mo ang suporta nila sa kung tutuusin ay first-time congressman lang naman.


Pero kahit 3 yrs. pa nga lang na kongresista si Arjo, puring-puri siya ng kaibigang senatoriable na si Erwin Tulfo na kasamahan niya sa Kongreso at gayundin ni QC Mayor Joy Belmonte na nagpatotoong masipag at talagang nagtatrabaho si Cong. Arjo bilang public servant at ito nga raw ang katuwang niya sa mga proyektong inihahatid nila para sa mga taga-Kyusi.


Dumating din at sumuporta kay Cong. Arjo ang kanyang buong pamilya at ramdam namin ang sobrang saya at pagka-proud ng kanyang inang si Ms. Sylvia Sanchez nang makapanayam namin pagkatapos ng SODA.


Aniya, siya man ay nagulat nang ipresenta na ni Cong. Arjo ang mga achievements at nagawa nito sa loob lamang ng 3 taon bilang kongresista at du’n daw talaga niya naramdaman na kahit nahihirapan at napapagod ang anak ay maligaya ito sa kanyang ginagawa.


Ang paalala lang daw niya kay Arjo, gaano man ito ka-busy sa kanyang paglilingkod-bayan, ‘wag na ‘wag pababayaan ang pamilya lalo na ang asawang si Maine at bigyan pa rin ito ng time.


May payo rin siya kay Cong. Arjo na ngayon pa lang, alam daw niyang malayung-malayo pa ang mararating sa pulitika.


“Ang sabi ko lang sa kanya, ‘Nak, ‘wag na ‘wag kang magpapakain sa power at sa sistema,’” sabi sa amin ni Ibyang (palayaw ng aktres).


Well, hindi lang si Cong. Arjo ang gusto naming papurihan sa kanyang tagumpay dahil sabi nga, malaking bahagi ng tagumpay ng isang tao ang magandang pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang.


 

Sa balikang Maine-Alden sa movie…

“NO COMMENT” — ARJO 


ANYWAY, bago nagsimula ang SODA ni Cong. Arjo Atayde, nakausap namin siya at tinanong nga kung bakit wala si Maine sa special event na ‘yun ng kanyang buhay.


Aniya, may work ang misis na hindi nito puwedeng iwanan, pero alam naman daw niyang todo-suporta ito sa kanya.


Hiningi namin ang reaksiyon ni Cong. Arjo sa mga nagpu-push na muling pagsamahin sa pelikula at ibalik ang tambalang Alden Richards at Maine Mendoza.


Hindi na nag-elaborate si Cong. Arjo pero obyus sa sagot nitong “No comment” na nag-iingat siya sa mabibitawang salita at baka i-bash na naman siya ng AlDub fans.


May binabalak naman daw silang gawing pelikula ni Maine this year under Nathan Studios at ‘yun na lang siguro ang abangan.


 

BAGAMA’T wala pa yatang isang taon sa industriya, humakot na ng mga parangal sa PMPC Star Awards ang Bilyonaryo News Channel.


Sa kakatapos lang na Star Awards for TV, ang programang Agenda sa pangunguna nina Korina Sanchez-Roxas at Pinky Webb ay nakakuha ng Best News Program award. 


Natanggap din ni Korina ang parangal na Best Female Newscaster habang kinilala naman ang programa ni Pinky na On Point bilang Best Public Affairs Program.


Si Marie Lozano ay itinanghal naman bilang Best Lifestyle Host para sa Lifestyle Lab, habang si Anton Roxas naman ay nasungkit ang Best Sports Host para sa programang The Scorecard.


Samantala, nananatiling nakatuon ang BNC sa pag-abot sa mas malawak na audience sa parehong tradisyonal at digital na platform. 


Tumutok sa Bilyonaryo News Channel sa free-to-watch television channel na BEAM TV 31, cable television na Sky Cable 33, Cignal Channel 24, Converge 74, digital media na Cignal Play at official social media pages sa Facebook at Youtube.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page