ni Rohn Romulo @Run Wild | Jan. 30, 2025
Photo: TROPP - Darryl Yap / VinCentiments - FB
Naglabas na ng pahayag ang MTRCB tungkol sa Facebook post ng controversial director na si Darryl Yap na nire-review na raw ng ahensiya ang The Rapists of Pepsi Paloma movie.
Nilagdaan ito ni Atty. Paulino E. Cases, Jr. (MTRCB Vice-Chairperson and Chairperson of the Hearing and Adjudication Committee).
Ayon sa post ni Direk Darryl, “Nagpasalamat na po ako sa husgado for protecting my rights of artistic expression and the public’s right to the truth.
“The teaser is just a micro-part of my movie. I have been allowed to release the whole movie. For that, I am deeply humbled and profoundly blessed.
“Our film is now being reviewed by MTRCB. Thanks!”
Bagay na kinontra ng MTRCB dahil wala raw itong katotohanan.
“Taliwas sa maling pahayag, nilinaw ng MTRCB na ang pelikulang Pepsi Paloma ay HINDI TOTOONG kasalukuyang nirerebyu dahil hindi pa kumpleto ang mga kinakailangang requirements na isinumite ng PinoyFlix,” panimula ng statement.
Anila, “Binibigyang-linaw ng ahensiya na HINDI TINANGGAP ng MTRCB Registration Unit ang mga materyales na isinumite ng kinatawan ng Pinoyflix sapagkat hiningan ng MTRCB Legal Affairs Division ang nasabing distributor ng Sertipiko o Clearance na Walang Nakabinbing Kasong Kriminal mula sa Regional Trial Court, Sertipiko o Clearance na Walang Nakabinbing Kasong Sibil mula sa Department of Justice, at Sertipiko o Clearance na Walang Nakabinbing Kasong Administratibo mula sa Office of the City Prosecutor.”
Pagpapatuloy pa ng pahayag ng MTRCB, “Bilang parte ng standard review process ng ahensiya, nakipag-ugnayan kahapon ang Legal Affairs Division sa distributor upang ipabatid ang mga kulang na requirements.
“Ginagawa ito ng MTRCB upang masiguro na ang lahat ng pelikula ay naaayon sa Presidential Decree No. 1986 at sa mga patakaran nito. Binubuo ang MTRCB ng 30 Board Members, isang Vice-Chairperson, at isang Chairperson. Ang bawat aplikasyon ay dumaraan sa isang tatlong-miyembrong komite, at kapag kinakailangan, sa ikalawang pagsusuri na binubuo naman ng 5 miyembro.
“Ang MTRCB ay naninindigan na hindi nito ipagsasantabi ang maling impormasyon at anumang paninirang maaaring makasira sa reputasyon at mandato nitong protektahan ang interes ng publiko. Ang anumang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon ay aaksiyunan alinsunod sa batas.”
Sinagot naman ito ni Direk Darryl sa kanyang latest Facebook (FB) post, kung saan makikita ang letter mula sa MTRCB at mababasa ang caption niya na… “Ang Kapalaran ng #TROPP #TROPP2025 The Rapists of #PepsiPaloma.”
At sa comment section, inilagay niya… “Narito ang liham ng MTRCB sa aming distributor; nawa’y maipaliwanag ng mga may alam sa batas. Maraming Salamat.”