ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 5, 2025
Dear Chief Acosta,
Nang magpunta ako sa appliance store para bumili sana ng electric fan, napansin ko ang karatulang, “No Return, No Exchange.” Nag-aalala ako paano kung may depekto ang mabibili kong appliance. Wasto ba ang patakarang “No Return, No Exchange”? — Patricia
Dear Patricia,
Patakaran ng Estado na isulong at hikayatin ang patas at tapat na ugnayan sa pagitan ng mga partido sa mga transaksyong bentahan, at protektahan ang mga mamimili laban sa mga mapanlinlang, hindi patas, at walang konsyensyang gawain o gawi sa pagbebenta.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 2, Series of 1993, o kilala bilang Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394, or Consumer Act of the Philippines, na inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI), ang patakaran na “No Return, No Exchange” ay itinuturing na mapanlinlang na gawa sa pagbebenta; kaya, ito ay mariing ipinagbabawal:
“TITLE III
PROTECTION AGAINST DECEPTIVE, UNFAIR AND UNCONSCIONABLE SALES ACTS AND PRACTICES
CHAPTER I
DECEPTIVE, UNFAIR AND UNCONSCIONABLE SALES ACTS AND PRACTICES
x x x
RULE II. PROHIBITION AGAINST DECEPTIVE SALES ACT AND PRACTICES.
x x x
SEC. 7. Prohibition on the use of the words ‘No return, no exchange.’ - The words ‘No return, no exchange.’ or words to such effect shall not be written into the contract of sale, receipt in a sales transaction, in any document evidencing such sale or anywhere in a store or business establishment.”
Dahil dito, dapat pahintulutan ang mga mamimili na ibalik o ipagpalit ang mga kalakal, o makakuha ng ibang remedyo, kung may mga nakatagong pagkakamali o depekto, o anumang singilin na hindi alam ng mamimili sa oras ng pagbili. Sa kabilang banda, sa pagpapatupad ng mga remedyong ito, dapat tandaan ng mga mamimili na kailangang patunayan ang transaksyon sa pagbebenta at magpakita ng ebidensya gaya ng opisyal na resibo o anumang iba pang alternatibong patunay.
Alinsunod dito, nilabag ng nasabing appliance store ang nabanggit na batas, at maaaring maparusahan nang naaayon sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Commentaires