ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 2, 2020
Makukumpleto na ang listahan ng mga makakaribal ng tropa ni International Physically Disabled Chess Association (IPCA) world champion Sander Severino ng Pilipinas sa ginaganap na 2020 FIDE Online Chess Olympiad.
Ang atensyon sa torneo, na ginaganap sa unang pagkakataon bunga na rin ng pag-atake sa buong mundo ng coronavirus 2019 o COVID-19 pandemic, ay nasa Division 4 na at ang 15 qualifiers mula sa grupong ito ay sasabak sa Division 3 kung saan nakaluklok ang pangkat ng IPCA ni Severino.
Ang Pinoy FIDE Master, may rating na 2364, ang uupo sa board 1 para sa IPCA samantalang si Israeli Andrey Gurbanov (rating: :2301) naman ang sasandigan sa pangalawang board. Si Alexandra Alexandrova, mula pa rin sa Israel, ang nakaposisyon sa board 3 habang si Indian Anto K. Jennitha ang aasahan ng grupo sa pang-apat na board. Dalawang Russian chessers (Ilya Lipilin at Maria Dorozhkina) naman ang mga nakaposisyon sa dalawang huling boards.
Bukod sa IPCA Team, may average FIDE rating na 1973, seeded na rin sa Division 3 ang mga sumusunod: Venezuela, Uruguay, Scotland, Portugal, Mexico, Denmark, Chile at Albania na pawang may average rating na mas mataas sa 2000.
Hindi pa rin sumasalang sa kompetisyon ang Philippine Team (average rating: 2144) nina Grandmaster Rogelio Barcenilla Jr., GM Mark Paragua,. WGM Janelle Mae Frayna, WIM Jan Jodilyn Fronda, IM Daniel Quizon at Kylen Joy Mordido dahil kabilang ang bansa sa mas mataas na pulutong (Division 2) ng malupit na kompetisyon.
Comments