ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 3, 2022
Hindi sukat-akalain ng dating kargador ng Pola, Oriental Mindoro na si Ejay Falcon na mahahalal siyang vice-governor ng kanilang bayan.
Kaya naman emosyonal si Ejay sa kanyang oath-taking ceremony bilang newly-elected vice-governor ng probinsiya ng Oriental Mindoro nitong Lunes (June 27).
Ginanap ang oath taking sa Capitol in the South na matatagpuan sa bayan ng Roxas na malapit sa capital city ng lalawigan, ang Calapan.
Sa kanyang speech, aniya, “Sobrang emosyonal lang na tumayo sa entablado at opisyal na manumpa bilang bise-gobernador. Halu-halo 'yung nararamdaman ko noon. Siyempre, una riyan 'yung nag-uumapaw na saya dahil nagbunga na ang pinaghirapan ko noong kampanya.
“Ikalawa, overwhelmed ako sa suporta ng mga kababayan natin dito sa Oriental Mindoro. Ikatlo, very proud siyempre sa sarili na kinaya ko. Lastly, may kaba pa rin dahil ito na 'yun, eh, nanunumpa ako sa kanilang lahat na sila ay paglilingkuran. Siyempre, walang urungan ito at dapat magampanan ko talaga nang maayos ang tungkulin ko,” pahayag ni Ejay.
Maraming pagsubok ang kanyang pinagdaanan bago nanalo sa kanyang pagkandidato last May, 2022 elections. Maraming nagsasabi na baguhan lamang siya at walang alam sa public service.
“Ang hirap maging kumpiyansa lalo na sa pulitika. Kahit sinabi ng mga kaalyado ko na malakas ang laban ko at suportado ako ng maraming barangay ay pinili ko talagang huwag maging kampante. Kasi, sino ba naman ako, isang baguhan sa ganitong mundo.
“Pero ang ginawa ko ay nag-focus lang ako sa kampanya at sa dapat kong gawin at 'yun ay mas kilalanin ang mga taong paglilingkuran ko. Ipinaubaya ko na lang kay Lord talaga ang lahat."
Sa kabila ng pagkakahalal bilang bise-gobernador, ayon sa aktor, hindi niya tatalikuran ang showbiz.
“Hindi ko naman tatalikuran ang showbiz. Mahirap talikuran ang pag-arte at malaking bahagi na 'yan ng buhay ko. Sa ngayon, siyempre, mag-focus muna tayo sa pagiging bise-gobernador. Pinagkatiwalaan ako ng aking mga kababayan kaya gusto ko na ibigay sa kanila ang oras at atensiyon ko para magampanan ko nang maayos itong bagong papel ko,” pahayag ng baguhang public servant.
Comments