ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 1, 2021
Iba talaga kapag sama-sama at tulung-tulong na may iisang layunin, ang makaboto ang lahat sa paparating na 2022 elections.
Gaano man katigas ang pagtanggi ng Comelec noong una na bigyang-extension ang voters registration dahil sa pag-angal nitong doble-trabahong kanilang gagawin, kapos sa panahon at logistics, iba pa rin ang boses ng nakararami.
Bilang chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, eh, pinush talaga natin ang panukalang-extension ng rehistrasyon ng hanggang October 31 na oks na rin sa Kamara, para naman hindi masayang ang 12 milyong botante.
Salamat naman at lumambot na ang Comelec at inaprub na ang extension nito sa loob ng isang buwan. Pero reminder pa rin sa ating mga kasamahang taga-Comelec, huwag nang palusutin ang mga flying voters.
IMEEsolusyon dito, hingan na ng Comelec ang tulong ng mga election watchdog tulad ng PPRCV sa beripikasyon ng personal details ng mga botante para naman maiwasan ang mga flying registrants, para maiwasan ang mga pandaraya sa mismong eleksiyon.
Ikalawa, marami pa ring hindi agad-agad makakabatid na extended na ang voter registration, partikular na ‘yung mga taga-probinsiya. Kaya IMEEsolusyon natin dito, pakiusapan na rin ng Comelec ang mga LGUs na ipaskil na per barangay ang extension ng pagpaparehistro.
Ipa-post na natin ito sa mga social media accounts o website ng bawat barangay para mas mabilis ang daloy ng impormasyon, ‘di ba?!
Unang araw na ng paghahain ng kandidatura ng bawat pulitiko nitong Biyernes, October 1, at ang sama-samang effort natin at ng lahat ng sektor ay kailangan ngayon para makaboto ang lahat sa malinis, maayos, masistema at mapayapang eleksiyon kahit nasa kasagsagan tayo ng pandemya! Agree?
Comments