ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 26, 2022
Sa gitna ng pagiging busy ng marami sa mga trending na balita sa pulitika sa harap ng papalapit na eleksiyon, mga kaso COVID-19, sitwasyon ng mga healthcare workers ay nagpapapansin ngayon ang ating mga guro sa kanilang sitwasyon.
Umaaray na ang mga guro bilang isa sa mga frontliners, maliit pa rin ang kanilang suweldo gayung nahaharap din sila sa mapanganib na sitwasyon ngayong may pandemya.
Ayon nga sa Alliance of Concerned Teachers, bagama’t naipatupad na ng ating pamahalaan ang Salary Standardization Law o SSL, malayo sa natatanggap nilang dagdag-sahod ang unang mga naipangakong dodoblehin ang kanilang suweldo dahil kabilang sila sa mga frontliner.
Eh, sa ganang atin, may punto ang mga guro na sagad sa buto ang paghihirap, puyat, pagod sa blended learning at lalo na ‘yung mga gurong taga-probinsiya na walang sawang gumagawa, nagpapaimprenta at naghahatid ng module ng kanilang estudyante na tumatawid ng mga ilog, bundok at kahit pa may banta ng Omicron variant.
Pasalamat na lang at pinatigil na muna ang mga naumpisahang limited na face-to-face classes at online classes sa ngayon dahil sa tumitinding banta ng Omicron variant na papahupa na rin naman daw sa ngayon ang tinatamaan dahil sa tumataas na bilang ng mga bakunado.
Nai-stress ang ating mga guro, paano nila pagkakasyahin ang kakarampot nilang sahod sa gitna ng panibagong banta ng pagtaas ng presyo ng tinapay, mataas na presyo ng isda, tumataas na presyo ng gasolina at mga serbisyo? ‘Kalokah!
Buwis-buhay na nga sila, butas pa ang bulsa, eh, sino nga naman ang hindi makukunsumi sa kanilang kalagayan. At heto nga, bunga ng kanilang desperasyon, eh, kahit sa mga mahahalal na opisyal sa paparating na eleksiyon nananawagan na sila na isulong na madoble ang kanilang suweldo.
Sa ganang atin, IMEEsolusyon na baka naman puwedeng ikonsidera ng ating gobyerno na maipantay nga naman ang kanilang suweldo sa mga nurses at pulis na tumatanggap ng Php30,000 na bagong pasok pa lang sa trabaho at ‘wag din naman sana bababa sa Php16,000 kada buwan ang suweldo ng mga non-teaching staff.
Aba, eh, kailangan nila ng disenteng suweldo para makaagapay sa mga kinahaharap na mga pagtaas-presyo ng bilihin at pangunahing serbisyo, ‘di ba?! Remember, sila ay kabilang sa mga limot nating bayani, na buwis-buhay pa bilang frontliner ngayong may pandemya.
‘Wag naman natin silang kalimutan at memenosin ang kanilang suweldo, dahil sila ang ikalawang nanay, tatay ng ating mga anak at sila ang humuhubog sa kanilang kaalaman at kahusayan sa pagtatamo ng magandang kinabukasan. Agree?!
Comments