top of page
Search
BULGAR

Ipagpatuloy ang serbisyong may tapang at malasakit para sa Pilipino

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 5, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Nagsumite na tayo ng ating certificate of candidacy noong Oktubre 3 para muling tumakbo bilang senador sa darating na 2025 elections. Bukod sa ating mga naisakatuparan mula nang manungkulan tayo noong 2019, plano nating ipagpatuloy ang ating mga adbokasiya na ibigay ang serbisyong may tapang at malasakit sa bawat Pilipino sa abot ng ating makakaya.


Una na rito ang kalusugan dahil ito ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. Patuloy nating ilalapit ang serbisyong medikal sa mga nangangailangan nito tulad na lamang ng ating pagsasabatas ng Malasakit Centers Act at Regional Specialty Centers Act, pagsulong ng dagdag na Super Health Centers sa kanayunan, at pagsasaayos ng mga pasilidad pangkalusugan sa iba’t ibang lugar.


Bago mag-file ng aking kandidatura, pinamunuan ko muli ang isang pagdinig ng Senate Committee on Health ukol sa estado ng ating healthcare system noong Oktubre 2. Sulit din ang ating pangungulit sa PhilHealth dahil matapos ang maraming hearings, nagtakda na ang ahensya ng mga deadline para tumugon sa mga repormang ating iminungkahi at ipinagdiinan.


Nagpapasalamat tayo dahil pinakinggan ang ating panawagan at sinunod ang kagustuhan ng taumbayan na ibasura na ang hindi makataong single period of confinement policy ng PhilHealth ngayong buwan. Ang polisiyang ito na tinawag nating “No Repeat Sakit” ay naging pabigat sa mga pasyente. Kung hindi pa natin ito ibinunyag, binusisi, at isiniwalat, marami pang pasyente ang tatanggihan ng PhilHealth dahil sa hindi makatarungan, hindi makatwiran, at anti-poor na regulasyong ito.


Bilang inyong Senator Kuya Bong Go, umasa kayo na hindi ko titigilan ang PhilHealth hangga’t hindi nila natutupad ang iba pa nilang commitments sa mga Pilipino tulad ng kanilang pangako na taasan ang case rates; palawakin ang benefit packages; babaan ang premium contribution; i-cover ang emergency, out-patient at preventive care; magbigay ng libreng gamot, libreng salamin at wheelchair para sa mahihirap na Pilipino, at iba pa.


Bukod sa kalusugan, isusulong din natin ang seguridad sa pagkain sa pamamagitan ng pagpapasigla sa agrikultura para sikaping walang Pilipinong magugutom. Patuloy nating ipaglalaban ang kapakanan ng mga manggagawa at magsusulong ng mga programang lilikha ng mga trabaho para walang maiiwan sa ating pagbangon. Pangangalagaan natin ang mga kabataan at titiyakin na may access sila sa abot-kayang edukasyon dahil ito ang susi sa mas magandang kinabukasan. Ipagpapatuloy din natin ang magandang nasimulan sa larangan ng palakasan, masuportahan ang ating mga atleta maging sa grassroots level at makatuklas ng mga bagong sports heroes.


Pagkatapos na pagkatapos na mag-file ng aking COC ay ninais ko agad na makatulong sa mga nasunugan sa Parañaque City. Personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 346 residenteng nawalan ng tirahan. Sa ating pakikipagtuwang sa DHSUD, nabigyan din sila ng tulong pinansyal na ating isinulong para may pambili sila ng materyales na pampaayos ng kanilang tahanan. Kasama natin doon sina Senator Bato dela Rosa at Phillip Salvador na parehong tatakbo rin sa pagka-senador.


Nasa Caraga, Davao Oriental tayo kahapon, October 4 at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa mahigit isang libong residenteng kapos ang kita. Katuwang ang national government at sina VM Melody Benitez at Coun. Jemaika Balante, nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal. Nag-inspeksyon din tayo sa itinatayong Super Health Center sa lugar. Matapos ito ay personal tayong nagkaloob ng tulong sa 250 mahihirap na residente katuwang ang mga lokal na opisyal.


Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan tulad ng mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan pa ng pansamantalang trabaho.


Sa Samar, naging benepisyaryo rito ang 64 sa Calbiga katuwang si BM Luzviminda Nacario; at 64 sa Catbalogan City kaagapay si BM Elpa de Jesus. May 670 na magsasaka at mangingisda sa San Agustin, Surigao del Sur ang natulungan din kasama si Mayor Nick Alameda. Sa Iloilo, may 30 sa San Joaquin at 37 sa Igbaras katuwang si VG Tingting Garin.


Binalikan natin at muling inayudahan ang mga nawalan ng tahanan kabilang ang 19 sa Capoocan, Leyte; at 15 sa Malabon City. Nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa NHA na ating isinulong para may pampaayos sila ng kanilang tirahan.


Nabigyan din natin ng tulong ang mga kapos ang kita sa Davao del Sur tulad ng 100 sa Matanao katuwang si Kapitan Ian Bacamante; at 60 pa kaagapay naman si VM Erick Agbon. May 200 rin tayong tinulungan sa Socorro, Oriental Mindoro kasama si Mayor Nemnem Perez. Natulungan natin ang mga maliliit na negosyante gaya ng 22 sa Pasig City katuwang si VM Dodot Jaworski; at 12 sa Brgy. Zapote, Las Piñas City kasama si Kap. Cesar Rubio.


May 147 tayong kababayan sa Tuguegarao City na natulungan at nakatanggap din sila ng financial support mula sa local government na ating isinulong kasama si Mayor Maila Ting.


Nagbigay din ang aking opisina ng dagdag na suporta sa 52 CHED scholars sa Nueva Vizcaya. Naghandog tayo ng munting regalo sa 27 couples na pinag-isang dibdib sa Kasalan ng Bayan sa Barangay Panacan, Davao City.


Bilang inyong Mr. Malasakit, hindi ko sasayangin ang pagkakataon na magsilbi sa bayan na ibinigay ninyo sa akin. Magtatrabaho ako para sa Pilipino. Iyan ang aking maiaalay sa inyo — ang kasipagan ko sa pagtatrabaho at pagtulong sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. Sama-sama nating sikaping maipagpatuloy ang serbisyong may tapang at malasakit!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page