ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 18, 2023
Sa ginanap na pagdinig sa Senado ng Committee on Public Order noong Marso 15 tungkol sa mga ‘ninja cops’, binigyang-diin ko sa aking manifestation na ayaw nating masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na matagumpay na kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad. Alam naman nating lahat na kapag bumalik ang ilegal na droga, babalik at mananaig na naman ang korupsyon sa gobyerno, at maging ang kriminalidad sa buong bansa.
Sa naging kampanya ng Duterte administration laban sa ilegal na droga, natahimik ang ating bayan at mas nakakalakad na ang mga anak natin sa gabi, hindi na nasasaktan at hindi na nababastos.
Binanggit ko na ang paglaganap ng peace and order noon ay dahil sa sakripisyo ng ating mga pulis at dating Pangulong Duterte. Ayaw nating masayang ang ating magandang naumpisahan.
Kapag kumalat ang droga sa daan, marami na namang pamilya ang masisira at ilang buhay na naman ang masasayang. Kapag may biktima ng droga sa isang pamilya, buong pamilya na rin ang apektado. Iwan n’yo ang pitaka n’yo, bukas ay wala nang laman dahil nanakawin na. Kaya hindi katanggap-tanggap kung mamamayagpag na naman ang ilegal na droga sa ating lipunan.
Proteksyunan natin ang bawat buhay at bawat pamilyang Pilipino.
Hiniling ko sa mga pulis at lahat ng kasama sa pagbaka sa droga at kriminalidad na ipagpatuloy ang kanilang paglilingkod nang buong katapatan. Ibibigay namin ng mga kasamahan ko sa Senado ang aming buong suporta sa kanila sa abot ng aming makakaya, basta gampanan nila ang kanilang tungkulin at nararapat na nakaayon sa ating mga batas.
Samantala, sa labas naman ng ating mga gawain sa Senado, naging abala tayo sa maraming aktibidad at paghahatid ng serbisyo sa iba’t ibang lugar sa ating bansa. Bilang lingkod-bayan, ilapit natin ang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan.
Kahapon, Marso 17, bumiyahe tayo sa Mawab, Davao de Oro at sinaksihan ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center du’n. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 500 mahihirap na residente sa lugar. Matapos ang aktibidad ay dumiretso tayo sa Davao City para daluhan ang ribbon cutting ceremony para sa itinayong water system at ng road concreting project sa Bgy. San Isidro, Bunawan District. Naging instrumento tayo para mapondohan ang mga nasabing proyekto.
Namahagi rin tayo ng tulong para sa mga residenteng apektado ng pagbaha sa nasabing barangay.
Naging panauhin naman tayo noong Huwebes sa ginanap na 122nd Foundation and 78th Liberation Anniversaries ng lalawigan ng Romblon at pinangunahan ang wreath laying ceremony bago opisyal na nagsimula ang mga programa. Nagpapasalamat tayo sa kanilang pamahalaang panlalawigan dahil sa pamamagitan ng isang Sangguniang Panlalawigan Resolution ay naging adopted son ako ng Romblon Province.
Sinamantala na rin natin ang pagkakataon para sa iba pang aktibidad kaugnay ng ating inisyatibang pagpapalakas sa healthcare system ng lalawigan. Sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Romblon Super Health Center. Nagsagawa rin tayo ng monitoring visit sa Malasakit Center na nasa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan. Nagbigay din tayo ng tulong sa mga pasyente at frontliners du’n.
Kinumusta rin natin ang itinayong three-storey evacuation center, bagong equipment sa ospital du’n, at ang bagong ambulansya na ating natulungang mapondohan noon.
Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng ayuda sa 500 mahihirap na residente ng Romblon, Romblon.
Patuloy din ang aking tanggapan sa isinasagawang relief effort sa iba pa nating kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Noong Marso 15, personal kong kinumusta at binigyan ng tulong ang 119 pamilyang nasunugan sa Cainta at Taytay, Rizal. Umalalay naman ang aking team sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog gaya ng 40 residente mula sa apat na barangay sa Puerto Princesa City, Palawan; tatlo sa Lapu-Lapu City; at dalawa pa mula sa Cebu City. Hindi rin natin kinaligtaan ang 166 mahihirap na residente ng Concepcion, Tarlac na mabigyan ng karampatang tulong at suporta.
Sa loob at labas man ng Senado ay iisa ang aking hangarin—ang magkaroon ang bawat Pilipino ng ligtas at komportableng buhay at mailapit sa kanila ang mga serbisyo ng pamahalaan. Ipagpapatuloy ko ito sa abot ng aking makakaya upang marating natin nang sama-sama ang ating iisang hangarin na mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments