ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 9, 2021
Sa isang pagdinig sa Senado noong Nobyembre, iniulat ng Department of Education (DepEd) na sa mahigit 22 milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay halos apat na milyon lamang ang konektado sa internet at halos dalawang milyon lang ang may sarili nilang laptop.
Lumalabas na karamihan ng mga barangay sa bansa ay may pampublikong paaralan. Dahil dito, iminumungkahi ng inyong lingkod bilang Chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture sa Senado ang pagpapatayo ng cell site sa mga paaralang ito upang matiyak na konektado sa internet ang bawat barangay.
Kahit sabihing umakyat ang ranggo ng Pilipinas mula 111 patungong 86 sa Speedtest Global Index ng Ookla, hindi pa rin ito sapat at kailangang maabot ng internet ang bawat barangay at mag-aaral upang mawakasan na ang “digital divide” sa bansa.
Ayon naman kay Project BASS-Bandwidth at Signal Statistics co-founder Wilson Chua, 87 porsiyento o 36, 607 sa 42,055 barangay ang walang sariling cell sites.
Kung tutuusin, may oportunidad at pag-asa talaga ang bansa na mabigyan ng internet connectivity ang bawat Pilipino. Ito ay dahil sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Republic Act No. 11494) o Bayanihan 2, suspendido sa loob ng tatlong taon ang ilang mga requirements sa pagpapatayo ng cell towers, maliban sa building permit.
Ayon sa Center for Educational Measurement, halos 60 porsiyento ng mga mag-aaral na lumahok sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang walang access sa mga computer at internet. Ayon pa sa grupo, mas mataas na porsiyento ng mga mag-aaral na nakakuha ng mababang marka sa PISA ang walang computer o internet sa kanilang mga tahanan. Hindi nga ba ito nakadidismaya?
Kaya ito rin ang isa sa mga dahilan na ating pinaplano na maghain ng panukalang-batas upang mabigyan ng internet allowance at libreng laptop ang bawat mag-aaral.
Sa ihahain nating panukalang-batas, isusulong natin dito ang konsepto ng shared responsibility. Ibig sabihin, lahat tayo ay magkakaroon ng ambag para maipaabot natin ang internet connectivity sa tahanan ng bawat bata. Malaking halaga ang kailangan natin para rito, ngunit malaki rin ang magiging benepisyo nito dahil kung mai-angat natin ang husay ng ating mga mag-aaral, buong bansa ang makikinabang.
Ang pagkakaroon ng internet at laptop sa mga panahong ito ay maitutulad na natin sa pagkakaroon ng sapat na tubig at kuryente. Sa madaling salita, isa na siyang pangunahing pangangailangan. Kung kinakailangan ng bawat tahanan ang tubig at kuryente, kailangan na rin ng bawat mag-aaral ang internet at mga gadgets.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments