top of page
Search
BULGAR

Internet access ng mga estudyante, dapat libre at mabilis

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | November 23, 2022


Tuwing Nobyembre ang komemorasyon ng National Children's Month.


Kaugnay nito, napapanahong pag-usapang muli ang kasalukuyang krisis sa edukasyon na pinalala ng pandemya.


Sa gitna ng sinasabing "Information Age", mahalaga ang pagkakaroon ng kabataan ng madaling access sa internet upang masamantala ang yaman ng impormasyon na naroon.


☻☻☻


Kaya lang, nasa 1.8 percent lamang ng public school sa buong bansa ang may free public wifi, ayon sa Free WiFi for All Dashboard ng Department of Information and Communications Technology.


Ito ay sa kabila ng pagsasabatas ng Republic Act 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act limang taon na ang nakalilipas.


Ayon sa Free Public Wi-Fi Dashboard, nasa 860 public school lamang sa 47,421 public schools ng bansa ang may libreng public wifi as of September 2, 2022.


☻☻☻


Ngayong nagbalik-eskwela na ang mga bata, kinakailangang gawing top priority ng Department of Information and Communications Technology ang pagsiguro na mas maraming public school pa ang mabigyan ng free public wifi.


Matinding paghahabol ang kinakailangang gawin ng buong pamahalaan upang maiwasan ang pagkakaroon ng "lost generation" o kabataang mahihirapang humanap ng trabaho sa hinaharap dahil sa pandemya.


☻☻☻


Ito, at iba pang isyu ang inaasahan nating matatalakay nang husto sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).


Binuo ang EDCOM II sa pamamagitan ng Republic Act 11899 para magkaroon ng komprehensibong assessment at evaluation sa kalidad at performance ng education sector ng bansa.


Magkakaroon ng 10 miyembro ang EDCOM II na mula sa House of Representatives at Senate: magsisilbing co-chairperson ng komisyon ang chairpersons ng Senate Committees on Basic Education, Arts and Culture, at Higher, Technical and Vocation Education, at chairpersons ng House Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education.


Pipiliin naman ng Senate President at House Speaker ang tigatlo pang member.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page