ni Lolet Abania | September 27, 2021
Patay ang isang pulis matapos na barilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa Daraga, Albay nitong Sabado nang gabi, ayon sa pahayag ng Philippine National Police ngayong Lunes.
Sa isang statement ni PNP chief Police General Guillermo Eleazar, inatasan na niya ang Police Regional Office 5 na agad imbestigahan at resolbahin ang pagpatay sa biktimang si Police Staff Sergeant Allan Madelar, intelligence warrant officer, ng Guinobatan Municipal Police.
“Kasama dito ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang motibo na magiging susi sa pagkakakilanlan ng mga taong nasa likod nito,” sabi ni Eleazar.
Ayon sa PNP si Madelar ay binaril ng mga salarin sa Barangay Peñafrancia, kung saan ito dumalo sa isang birthday party noong Sabado.
Nagpahayag din ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng naturang pulis habang tiniyak nito magbibigay ng lahat ng assistance ang ahensiya para sa kanila.
Umapela naman ang PNP chief sa publiko, partikular na sa nakasaksi sa insidente na agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng kaso.
Comments