ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | May 7, 2022
Tapos na ang mga araw na "nangangapa sa dilim" ang ating healthcare workers (HCWs) tuwing tayo ay nahaharap sa krisis pangkalusugan – 'yung tila may agam-agam kung may suportang pinansiyal ba silang matatanggap sa mga alanganing araw na ito na ibinubuwis nila ang sariling buhay, masiguro lang ang kaligtasan ng kanilang kababayan.
Tapos na, dahil pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11712, ang batas na nagbibigay ng institutionalized allowance and benefits sa HCWs tuwing may public health emergency.
Ang batas na ito ang nagpapatunay na hindi kailanman pababayaan ng gobyerno ang ating mga health frontliners sa mga panahong nasa ganitong krisis ang buong bansa at kailangang bigyan ng kaukulang atensyong medikal ang publiko.
Nang isulong ang batas na ito sa Senado, isa po ang inyong lingkod sa mga nagsilbing co-author. At dahil dito, tiniyak natin na may sapat na allowance at benefits ang HCWs tuwing tayo ay sasailalim sa public health emergency na idedeklara ng Pangulo.
Sa pamamagitan ng batas na ito, wala nang balakid sa pagkakaloob ng emergency allowances and benefits sa ating healthcare workers. Tulad ng Bayanihan Law na nag-expire nitong nakaraang taon, nakatuon din ito sa kapakanan ng ating HCWs na walang kapagurang naglilingkod sa atin kung tayo ay nangangailangan ng medical care.
Sa totoo lang, napakaliit na bagay lamang ng tulong pinansiyal na ito kumpara naman sa serbisyo nila sa atin. Sila po kasi, kahit buhay na nila ang kapalit, makapaglingkod lang at matupad ang sinumpaang tungkulin, tutulong at tutulong sila sa mga nangangailangan ng medical attention.
Halos lahat naman siguro, nakaalam na naging biktima rin tayo ng COVID noong 2020 – kasagsagan 'yan ng pandemya. Nu'ng tayo po ay nasa ospital, nasaksikhan natin nang personal kung paano tumutupad sa kanilang tungkulin ang ating doctors and nurses. Wala kang maririnig na reklamo, 'di mo makikita na para silang susuko. Dahil dun, mas lalong nabuo ang kagustuhan kong maisulong naman ang kanilang kapakanan. Hindi naman yata tama na hindi man lang natin sila bibigyan ng kaunting pagkilala sa mga panahong tulad ng COVID pandemic, dahil kalahating katawan nila, nakabaon na rin sa lupa habang inililigtas ang buhay ng iba.
Sa batas na ito, ang lahat ng public at private healthcare at non-healthcare workers, anuman ang kanilang employment status ay sakop ng mga benepisyong nakapaloob dito tulad ng P3,000 monthly allowance para sa mga naka-deploy sa low risk areas; P6,000 para sa mga naka-detalye sa medium risk areas at P9,000 para sa mga naka-destino sa "high risk" areas. Makukuha ng ating health workers ang mga nabanggit na halaga sa kanilang personal na pagre-report sa trabaho for at least 96 hours sa loob ng isang buwan.
Liban sa monthly allowances, pinaglaanan din ng kaukulang kompensasyon ang HCWs na tatamaan ng COVID habang aktibong naka-duty. Para sa mild cases, sila ay pagkakalooban ng P15,000; P100,000 para sa severe o critical cases; at P1 milyon sa pamilya ng masasawing HCW.
Ang mga non-medical workers naman at mga personalidad na contract of service at job order basis na naka-assign sa mga health facility at tulad ng health workers ay exposed din sa mga pasyente ng COVID, tatanggap din ng katulad na mga benepisyo.
Maging ang mga barangay health workers na kabilang sa BHW registry system ng DOH at naka-assign din sa mga health facility, swabbing at vaccination sites ay tatanggap din ng nasabing benefits dahil ikinokonsidera rin silang health workers na exposed din sa panganib.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Opmerkingen