ni Anthony E. Servinio @Sports | March 5, 2023

Lalong naging inspirado ang mga kasapi ng Philippine Women’s Football National Team sa pagdating sa bansa ng tropeyo ng 2023 FIFA Women’s World Cup bilang bahagi ng pag-ikot nito sa lahat ng 32 kalahok na bansa. Nabigyan ng pagkakataon ang Filipinas at mga tagahanga na masilayan ng malapitan ang mismong igagawad sa magiging kampyon ng pinakamalaking torneo ng kababaihan sa mundo ngayong Hulyo 20 sa New Zealand at Australia.
Pinangunahan ang pormal na seremonya sa Glorietta sa Makati City nina Philippine Football Federation General Secretary Atty. Edwin Gastanes, mga ambahador ng Australia HK Yu at New Zealand Peter Kell at Sarah Gandoin ng FIFA. Sinamahan ng mga Filipinas Inna Palacios, Alisha del Campo, Isabella Flanigan, Chantelle Maniti at bise-kapitana Hali Long ang mga tagahanga sa pagkuha ng mga litrato kasama ang tropeo na nasa loob ng kahon na salamin.
Kasama din sa palatuntunan ang Under-20 Filipinas na sumaglit bago ang kanilang alis para sa qualifier ng 2024 AFC Women’s Under-20 Asian Cup ngayong Marso 8.
Makakaharap nila ang Tsina, Hong Kong at host Laos sa gabay ni Coach Nahuel Arrarte at pangungunahan nina Flanigan at Maniti.
Samantala, dalawang koponan sa magkabilaang dulo ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways ang nagsubukan kagabi sa Rizal Memorial Stadium.
Sisiguraduhin ng Kaya FC Iloilo ang kanilang estado bilang numero uno laban sa kulelat na Maharlika FC Manila ng 4 p.m.
Mabigat na paborito ang Kaya na ulitin ang kanilang 4-0 panalo noong Agosto 20 at 4-1 noong Oktubre 22. Kailangan angatin ng “Koponan ng Masa” Maharlika ang kanilang opensa na anim lang na goal sa 13 laro upang makasabay sa Kaya na may 41 goal sa 14 laro.
Comentários