ni Gerard Peter - @Sports | July 15, 2021
Parang tumama na sa Lotto ang magwawagi ng gold medal sa 2020+1 Tokyo Olympics matapos bumuhos pa ang ginagarantiyang matatanggap ng pinakamagaling na atletang Filipino sa Quadrennial Games.
Masayang inanunsiyo ni Philippine Olympic Committee (POC) President Atty. Abraham “Bambol” Tolentino na makapagbubulsa ng limpak-limpak na reward ang magiging kauna-unahang gold medalist sa Olympics, at inaasahan na ang lahat ng 19 na Olympians ang makikitang magbubulsa nito.
Aniya, tinatayang aabot sa P50 million ang gantimpala ng gold medalist sa Olympics na magsisimula sa Hulyo 24-Agosto 8 mula sa 11 national sports association (NSAs) ng bansa.
Bukod sa financial reward mula sa gobyerno dahil sa Republic Act 10699, sa magwawagi ng gold, silver at bronze medals sa Olympics na nagkakahalaga ng P10-M, P5-M at P2-M, sumunod na nagsipangako ang MVP Sports Foundation (MVPSF) ni Manny V. Pangilinan at Business tycoon Ramon S. Ang, habang umaasa pa si Tolentino, na pinuno rin ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling), na may darating pang biyaya sa Olympians.
“Now RSA is giving the same amount,” saad ni Tolentino, kahapon ng umaga sa PSA Forum webcast. “I expect more to come once the gold is delivered. It may even reach P50 million,” dagdag niya Tolentino.
Kasama na rito ang bagong house and lot sa atletang makaka-gold medal, na maaaring pumutol sa 97-taon na pagkagutom ng Pilipinas sapol ng unang sumali ang bansa nung 1924 Paris.
Maaaring isa kina 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng women’s weightlifting, men’s pole vaulter Ernest Obiena, gymnasts Caloy Yulo, boxers Eumir Felix Marcial, Irish Magno, Carlo Paalam at Nesthy Petecio; golfers Juvic Pagunsan, 2021 US Women’s Open titlist Yuka Saso at Bianca Pagdanganan; women’s weightlifter Elreen Ando, shooter Jayson Valdez, rower Chris Niervaez, skateboarder Margielyn Didal, judoka Kiyomi Watanabe, sprinter Kristina Knott, Taekwondo Jin Kurt Barbosa at swimmers Luke Gebbie at Remedy Rule ang maaaring makapag-uwi ng kampeonato at masuwerteng makatanggap ng napakalaking gantimpala.“Definitely. This is our time. We’ll win that gold as one.”
Comments