NOON ANG FILMFEST.
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 29, 2021
Nagbalik-tanaw si Lolit Solis sa mga nagawa niyang mali noong bata-bata pa siya sa industriya ng showbiz, base sa panayam sa kanya ni Ogie Diaz sa vlog nito sa YouTube.
Tinanong ni Ogie si Manay Lolit tungkol sa ginawa nitong scam noong 1994 Manila Film Festival kung saan ipinanalo niya ang alagang si Gabby Concepcion na dapat sana ay si Edu Manzano ang Best Actor.
“That time, medyo nag-i-slide down siya (Gabby), eh, kasi nag-asawa siya ng bago, si Jenny Syquia. So, akala ko talaga, ang magiging winner, si Richard Gomez, kasi siya ang karibal ni Gabby.
“Hindi ko alam na si Edu Manzano ang mananalo dapat. So, sabi ko, hindi puwedeng manalo si Richard, lalong babagsak si Gabby, kaya naisip kong siya (Gabby) ang maging Best Actor, so ‘yun!” katwiran nito.
Sinabihan daw ni Manay Lolit ang mga presenter na pangalan ni Gabby ang tawagin kahit na si Edu ang nanalo.
“Iyon ‘yung take it-take it, kadiri!” natatawa nitong sabi.
Bakit pati si Ruffa Gutierrez, nanalo rin, eh, si Aiko Melendez pala ang winner?
“Si Ruffa? Kasi siya ang inutusan kong magbasa ng Gabby Concepcion. Tapos, ‘yun pala, sila ang magwi-witness against me! Ang winner pala nu’n, dapat si Aiko.
“Pero kung alam kong si Edu Manzano ‘yun (nanalo), baka nagdalawang-isip ako, kasi hindi naman siya direktang karibal ni Gabby, eh, that time, akala ko talaga si Richard.”
Inamin din ni Manay Lolit na sa tingin niya ay nagamit siya sa pulitika noon dahil nga mga metro mayors ang bumubuo sa Manila Film Festival.
“Kasi kung showbiz lang ‘yan (hawak ang MFF), 'pag nagkabukingan, ang sasabihin lang ng lahat, ‘Naku, ‘yang Lolita na ‘yan, may ginawa na namang kapalpakan.' Parang matatanggap kasi nga, ang showbiz naman, para tayong pamilya, madali naman tayong mapagpatawad.
“That time, parang nagamit din ako para gumana ‘yung image ng mga politicians. So, they run after me,” pahayag ni Manay Lolit.
Malaki ang pasalamat ng talent manager sa mga alaga na itinuring niyang anak dahil sinuportahan siya hanggang dulo at hindi siya iniwan tulad nina Senator Bong Revilla, Jr., Bacoor Mayor Lani Mercado, Lorna Tolentino at Christopher de Leon.
“Sabi ko, magpa-manage na sila sa iba kasi nga 'di ba, pero sabi nila, hindi nila ako iiwanan at doon iniligtas ako ni Douglas Quijano,” sambit nito.
Nademanda rin noon si Manay Lolit dahil kina Piolo Pascual at Sam Milby na isinulat niyang diumano’y may relasyon.
“Oo, kagagahan ko. Hindi ko naman alam kung sino ang kabulungan ni Piolo nu’ng nakita ko. Nakita ko lang, may ibinubulong, so nagbigay ako ng malisya na may binubulungang lalaki si Piolo.
“Eh, tapos, ang ginawang title ni Salve (Asis-editor ng Pilipino Star), Sam and Piolo, Naglalampungan.
“Nu’ng idinemanda nila ako, ang nagdemanda nga raw, si Direk Johnny Manahan at talagang nilapitan ko si Direk Johnny. Sabi ko, ‘Direk, bakit mo ako idinemanda, eh, ang dami-daming nagsusulat ng kung anu-ano tungkol kay Piolo?'
“Sagot niya (Mr. M), ‘'Di bale nang iba ang nagsulat sana, hindi ikaw, kasi ‘yung sa ‘yo, parang vinalidate mo na ‘yung issue.' Hindi ko alam kung magmamalaki ako na may kredibilidad ako kaya ako nademanda,” tawa nang tawang sabi nito.
Humingi naman daw siya ng apology sa dalawang aktor, “Pinatawad nila ako, tinanggap nila ‘yung apology ko.”
Sobrang puri rin ni Manay Lolit kay Piolo dahil, “Siyempre, after nu'n (kaso), umiiwas ako kasi nahihiya ako, baka hindi ako batiin. Pero siya ‘yung lumalapit. Doon ko nakita kung gaano siya ka-polite.”
Comments