ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Jan. 11, 2025
ISSUE #340
May kasabihan na, “Kapag may nag-akusa sa iyo ng isang bagay na hindi mo ginagawa, kadalasan ay maaaring dahil sila ang gumawa nito.” Bagaman hindi aporismo, sa ilang pagkakataon ang nasabi ay may batayan ayon sa mga tunay na pangyayari, tulad na lamang ng kasong ating ibabahagi sa ating artikulo ngayon.
Sa kasong Dingal v. People (G.R. No. 265) sa panulat ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema, na may entry of judgment noong ika-9 ng Oktubre 2024, ating tingnan kung ano ang naging pinal na pasya ng Korte Suprema ukol sa akusasyon ng homicide o kasong pagpatay sa isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Antonio.
Bilang pagbabahagi sa mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng tagausig.
Alinsunod dito, aniya ay noong kinagabihan ng ika-22 ng Hulyo 2017, si Bernard, hindi niya tunay na pangalan at ang biktimang itago na lamang natin sa pangalang Carlo ay kapwa dumalo sa isang inuman.
Si Carlo ay umalis upang bumili sa tindahan. Kung saan ay dumaan siya sa isang purok shed, kung saan aniya ay naunang nakita ni Bernard na nagtatalo ang akusadong si Antonio na may hawak na bolo at ang asawa nito.
Dahil dito, naunang binalaan ni Bernard si Carlo na mag-ingat dahil sa nasabing pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa.
Dahil sa pag-aalala, napagdesisyunan ni Bernard na sundan na lamang si Carlo. Noong mapalapit na si Bernard kay Carlo, mga dalawang metro ang layo, meron siyang narinig na ingay at hindi maipaliwanag na tunog, matapos nito ay nasaksihan na niya ang nakabulagtang katawan ni Carlo at si Antonio na may hawak na duguang bolo.
Kinasuhan si Antonio ng homicide o kasong pagpatay. Agad namang itinanggi ni Antonio ang mga paratang at ang pagkakaturo sa kanya ni Bernard sa pagpatay kay Carlo.
Sa kabila nito, matapos ang paglilitis ay nahatulan ng Regional Trial Court si Antonio ng kasong homicide. Ang nasabing hatol ay kinatigan ng Court of Appeals matapos niya itong iapela.
Sa huling pagkakataon, inakyat ni Antonio sa Korte Suprema sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan CA Escabusa-Amora mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU), Mindanao. Muling iginiit ni Antonio na mali ang ibinabang hatol sa kanya, sapagkat hindi katanggap-tanggap na sa bisa lamang ng natatanging salaysay ni Bernard ang kanyang konbiksyon.
Muli, binigyang-diin ni Antonio ang hindi napansin na depensa niya sa mababang hukuman at sa hukuman para sa mga apela na si Bernard ay may motibo na idiin siya dahil sa nauna nitong isinampang kaso laban sa huli dahil sa away sa lupa.
Bukod pa rito, hindi rin magkatugma ang mga salaysay ni Bernard, dahil ayon kay Bernard nagkita sila ni Carlo sa inuman, ito ay taliwas sa salaysay ng kanyang mga saksi. Panghuli, hindi kapani-paniwala na matapos na makita ni Carlo si Bernard na dalawang metro lang ang pagitan sa kanya ay mas pinili pa nitong umuwi sa kanyang tahanan na halos dalawampung metro ang layo upang humingi ng tulong sa halip na kay Bernard na aniya ay dalawang metro lang ang pagitan.
Tulad ng ating unang nabanggit, pinal na ibinaba ng Korte Suprema ang kanilang hatol noong ika-9 ng Oktubre 2024. Kung saan, pinawalang-sala nito si Antonio at pinal na tinuldukan ang kanyang mga daing dulot sa mapanirang pagdidiin sa kanya.
Ayon sa Korte Suprema, mahalaga ang pagkakakilanlan ng pumaslang para sa matagumpay na pag-uusig ng kaso. Sa sitwasyon na hindi nagampanan, ang obligasyon na ito ay nagkaroon ng pagdududa sa pagkakakilanlan ng pumaslang, ang pagdududang ito ay nararapat na pagtibayin tungo sa pagpapawalang-sala ng akusado.
Sa kaso ni Antonio, nabigo ang tagausig na patunayan na si Antonio ang may-akda ng nasabing pagpaslang kay Carlo sapagkat maraming pangyayari ang lumalaban sa kredibilidad ng testigo.
Una, kung totoong nais tulungan ni Bernard si Carlo, hindi katanggap-tanggap na hindi niya nagawang tulungan si Carlo kung dalawang metro lamang ang kanilang pagitan. Nakapagtataka rin na mas pipiliin pa ng biktimang si Carlo na umuwi sa kanilang bahay na halos dalawampung metro ang layo, habang may malalim na sugat upang humingi ng tulong.
Pangalawa, nakapagtataka rin na hindi nakita mismo ni Bernard ang akto ng pag-atake o pagsaksak kay Carlo at ang hindi niya maipaliwanag na aniya ay malakas na ingay na kanyang narinig bago niya nakita ang nakahandusay na katawan ni Carlo.
Panghuli, ang salaysay ng saksi ni Antonio ay pinabulaan ang salaysay ni Bernard nang ipaliwanag nito na hindi nila nakita na nagkasabay sa inuman si Bernard at ang biktima.
Dahil dito, hindi rin maalis ang posibilidad na ang maaaring may akda ng pagpaslang ay ang saksi na si Bernard, sapagkat naroon siya sa lugar kung kailan nangyari ang naturang pagpaslang.
Bukod pa rito, hindi rin maitatanggi na may timbang ang alegasyon ng motibo, nang mapatunayan na may sapat na dahilan si Bernard na idiin si Antonio matapos siyang kasuhan nito, kung saan na-dismiss lamang matapos diumano ay nakiusap si Bernard kay Antonio na iurong ang kaso.
Alinsunod sa mga nabanggit, hindi napatunayan ng estado ang pagkakakilanlan ng pumaslang at ang mga pagdududa na ito ay nararapat na iresolba tungo sa pagpapawalang-sala kay Antonio – alinsunod sa pagpapalagay na inosente maliban lamang kung mapatunayan ang pagkakasala nang higit sa makatwirang pagdududa.
Sa kabuuan, bagama't nakalulungkot na ang isang buhay ay nawala, hindi rin maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente sa mata ng batas lalo na kung ito ay nakabatay lamang sa isang pagtuturo mula sa isang saksi na siya mismo ang nagdulot ng pagdududa at agam-agam sa pagkakakilanlan ng pumaslang.
Sa lahat ng pagkakataon, hindi maaaring pahintulutan ang pagkakulong ng isang taong inosente upang hindi malibing sa hukay ang katarungan at katwiran.
Comentários