ni Anthony E. Servinio / MC - @Sports | April 22, 2021
Humaba sa pito ang sunod-sunod na panalo ng mainit na New York Knicks matapos iligpit ang bisitang Charlotte Hornets, 109-97, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Madison Square Garden. Lalong gumanda ang pag-asa ng Knicks (32-27) na makabalik sa playoffs sa susunod na buwan matapos huling makapasok noong 2013.
Bumanat ng 18 ng kanyang 24 puntos sa third quarter si RJ Barrett para tuluyang lumayo ang New York, 88-77, habang tinulungan siya nina 2011 MVP Derrick Rose at rookie Immanuel Quickley na parehong may 17 puntos. Kampeon ang Knicks noong 1970 at 1973 na parehong kontra sa Los Angeles Lakers subalit hindi pa ito nauulit at natalo sila ng dalawang beses sa NBA Finals noong 1994 sa Houston Rockets at 1999 sa San Antonio Spurs.
Samantala, lumala ang hamstring strain injury ni Brooklyn Nets star James Harden kaya hindi pa umano sigurado kung kailan ang pagbabalik nito sa team, ayon sa koponan.
Isiniwalat ng Nets na lalong napuwersa at lumala ang injury ni Harden habang nagsasagawa ng on-court rehab session. “Following an evaluation today which included an MRI, Harden will remain out indefinitely,” ayon sa statement ng team. “Updates regarding his status will be provided as appropriate.”
Kinailangan ng tiyaga na may halong suwerte ang kapitbahay ng Knicks na Brooklyn Nets upang talunin ang New Orleans Pelicans, 134-129. Mainit sa 15 ng kanyang 32 puntos si Kyrie Irving sa fourth quarter subalit ang kanyang depensa kay Zion Williamson sa huling 2.6 segundo ang nagsiguro sa kanilang ika-39 panalo.
Walang kabang ipinasok ni Paul George ang dalawang free throw na may 4.8 segundong nalalabi para maagaw ng bisitang Los Angeles Clippers ang 113-112 panalo sa Portland Trail Blazers. Nagising ang Atlanta Hawks sa kanilang matamlay na simula at dinomina ang bisitang Orlando Magic, 112-96, ang kanilang ika-limang panalo sa huling anim na laro.
Humataw ang Minnesota Timberwolves mula sa 107-107 na tabla sa huling siyam na minuto upang mabigo ang biglang nanlamig na Sacramento Kings, 134-120.
Comments