ni Fely Ng - @Bulgarific | January 30, 2021
Hello, Bulgarians! Isang kapaki-pakinabang at positive news mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang inilabas na bagong online facility sa website nito, para sa ligtas, madali at walang abala na pag-access ng mga rehistradong miyembro sa kanilang membership at contribution records.
Ang “PhilHealth Member Portal” ay maaaring ma-access gamit ang ating smart phones, laptops, tablets o personal computers na mayroong internet connection habang nasa bahay o opisina, kung saan ligtas sa mahabang oras sa pagpila, tipid sa pamasahe at higit sa lahat, iwas-COVID-19.
Sa bagong pasilidad, makikita at malalaman ng mga miyembro kung tama ang impormasyon sa kanilang profile, tulad ng pangalan, kapanganakan, tirahan, employer at iba pang mga detalye. Maaari ring mag-download at mag-print ng Member Data Record (MDR) para sa mga gustong magkaroon ng hard copy.
Ang mga miyembro na nangangailangang mag-update ng kanilang profile ay dapat lamang sagutan ang PhilHealth Member Registration Form (PMRF) na maaaring mai-download mula sa website (www.philhealth.gov.ph) o gamitin ang naka-print na MDR na may indikasyon ng iwawasto at samahan ito ng mga sumusuportang dokumento na dapat isumite sa pamamagitan ng email address (malinaw na-scan copy) na ibibigay ng kani-kanilang panrehiyong tanggapan o personal na dalhin sa pinakamalapit na Local Health Insurance Office (LHIO) para sa pag-update.
Pinapayagan din nito ang mga miyembro na tingnan ang kanilang contribution history upang makasiguradong updated sila sa kanilang mga premium at kung magkakaroon ng mga pagkakaiba o pagsasaayos na gagawin ang mga miyembro ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang mga employer o sa pinakamalapit na LHIO.
Upang ma-access ang membership at kontribusyon, kailangan munang magparehistro sa Portal gamit ang PhilHealth Identification Number (PIN) upang makagawa ng sariling account at password. Dapat kumpirmahin ang pagsasaaktibo ng account na ipapadala sa email address. Kapag natanggap ang kanilang kompirmasyon ng PhilHealth, maaari ng simulang gamitin ang mga serbisyong ito sa Portal.
Ang mga self-paying na indibidwal ay malapit na ring masubukan ang online payment facility gamit ang Portal na ito para sa pagbabayad ng kanilang kontribusyon, anumang oras at kahit saan, habang tiyak na ang kanilang mga binayad ay awtomatikong na-credit sa kanilang mga account.
Commentaires