top of page
Search
BULGAR

INIHIRIT NI ARJO: QC, GAWING FILM AND TV ARTS CAPITAL OF THE PHILIPPINES

ni Rohn Romulo - @Run Wild | October 21, 2022




Naging matagumpay ang pagdalo ng award-winning actor at Quezon City District 1 representative na si Arjo Atayde sa international premiere ng six-part drama series ng ABS-CBN na Cattleya Killer sa MIPCOM Cannes, France.


Ang premiere screening ay ginanap noong Miyerkules, Oktubre 19, sa Palais Auditorium na pinangunahan ng Asian Academy Creative Awards 2020 Best Actor, kasama ang co-star na kapatid na aktres at producer din na si Ria Atayde, ina at premyadong aktres na si Sylvia Sanchez, at negosyanteng ama na si Art Atayde.


Sila nga ang nasa likod ng Nathan Studios Inc. na kasosyo sa drama series. Nagsimula na nga silang mag-produce ng shows (Becoming Ice), series at films.


Ang MIPCOM (Marché International des Programs de Communication), o ang International Market of Communications Programs, ay isang taunang trade show na ginaganap sa movie capital ng France na tumatakbo sa loob ng apat na araw sa Oktubre.


Ang Cattleya Killer ang unang mainstream starring role ni Atayde mula nang manalo bilang congressman sa unang distrito ng Quezon City sa pamamagitan ng landslide victory last May 2022 elections.


Si Cong. Atayde ay nakapag-propose na ng mahigit 41 na panukalang batas, kabilang ang House Bill 457, na naglalayong ideklara ang Quezon City bilang Film and TV Arts Capital of the Philippines.


Samantalang ang HB 459 ay tungkol sa occupational safety para sa mga artista at manggagawa sa sektor ng pelikula at telebisyon.


Bilang vice-chairman ng Creative Industry and Performing Arts Committee ng 19th Congress, kabilang sa mga responsibilidad ni Arjo ang pag-promote ng mga pelikulang Pinoy at serye sa pandaigdigang komunidad.


At sa unang pagpapalabas ng Cattleya Killer sa Cannes ay opisyal na minarkahan ang unang pagkakataon na ang isang seryeng Filipino ay ipapakita sa mga gumagawa ng desisyon sa industriya sa pag-aasam na makakuha ng kasosyo para sa global distribution.


Mula ito sa mabusising direksiyon ni Dan Villegas, kasama rin sa serye sina Jake Cuenca, Christopher de Leon, Jane Oineza, Ricky Davao at Zsa Zsa Padilla.


Proud na proud naman si Sylvia (na inirampa ang mga creations ni Frankie de Leon) sa latest achievement na ito ng kanyang mga anak na sina Arjo at Ria (na maraming pumupuri sa kanyang litaw na litaw na kagandahan), na for sure, mapapansin sa pag-uusapang serye.

Good luck sa Cattleya Killer at sa Nathan Studios!


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page