SIGAW NI GLADYS: INC, WALANG KINALAMAN SA PAGPAPASARA SA ABS-CBN
ni Julie Bonifacio - @Winner | July 27, 2020
Eksklusibong naglabas ng saloobin at paliwanag ang dating actor at mister ni Gladys Reyes na si Christopher Roxas tungkol sa controversial comment niya sa social media na “Bro, really?” sa online show ng Bulgar every Saturday, 11 AM na #CelebrityBTS Bulgaran Na.
May ipinost kasi ang Kapamilya actor na si Carlo Aquino sa social media tungkol sa 11K employees ng ABS-CBN na sinimulan or effective na ang retrenchment this month. Sa comment section ng post ni Carlo ay nag-react si Christopher ng “Bro, really?”
Dahil dito, umani ng batikos si Christopher mula sa mga netizens, na ang iba ay binastos pa raw ang mister ni Gladys, kaya isa-isang sinagot ng aktres.
Actually, si Gladys talaga ang guest sa #CelebrityBTS Bulgaran Na via Zoom app. At habang nagsisimula nang magsalita si Gladys, biglang nag-hello si Christopher sa amin ni Ateng Janiz Navida.
Simula ng paliwanag niya, “Naniniwala kasi ako sa perspective. ‘Di ba tayo, it’s up to us how we see things. So, kasi once biased, you cannot go over beyond the biased, eh. ‘Yun talaga, eh. Kunwari ikaw, pro ka or anti, ang tingin mo agad, negative. Kasi, against doon sa kunwari, sa ABS-CBN.
“'Yung comment ko, parang ang dating, negative na ‘yung sinabi ko. Kasi, biased ka na agad. It’s not bad kasi ayun ‘yung paniniwala mo, eh. Ang hindi nila nage-gets, sino ba naman ang matutuwa na mawawalan ng trabaho?" sabi pa ni Christopher.
Kahit sila naman daw mag-asawa ay nawalan din ng trabaho pero positibo pa rin ang tingin nila sa buhay.
Para sa dating aktor, tapos na siya sa panahon na mamuhay para sa mga mata ng iba.
"Kasi, nakakapagod ‘yun, eh. So, ako, I have my true friends. Kilala ninyo naman kung ano’ng klaseng tao kami. I have my family. So, kung ano ang sabihin ninyo, good or bad, wala. Sa buhay ko ngayon, wala na akong gitna, kaya tama lang.
“Kung may na-offend ako, sorry. Sa mga nakisimpatya sa akin at kilala kung ano talaga kami, ‘yun naman ang importante sa akin, eh, salamat. Pero at the end of the day, ayokong may masasaktan. Kasi saan ka man bumagsak, nakasakit ka pa rin ng kapwa. So, hindi maganda,” pagtatapos ni Christopher at nagpatuloy na siya sa kanyang workout sa bahay nila ni Gladys.
Natuwa naman si Gladys na mismong si Christopher ang nagsalita. First time after so long na nagsalita sa press ang kanyang mister.
Hindi lang daw talaga mapigil ni Christopher na ibigay ang kanyang side sa isyung naglabasan bukod pa nga sa matagal na niya kaming kilala.
Ipinagtanggol naman ni Gladys si Christopher sa comment niya na "Bro, really?"
“Nagtatanong lang siya. Kasi hindi naman niya alam na effective agad ('yung retrenchment). So, ‘yung simpleng tanong na ‘yun ni Christopher, kung anu-ano na ang sinabi nila sa kanya. Buti sana, kung ang nailagay ni Christopher ay ‘Bro, really!’ 'Yung may exclamation point. Iba na ‘yun,” say ni Gladys.
Tinanong naman ni Ateng Janiz si Gladys tungkol sa ini-repost ni Megastar Sharon Cuneta na ang nag-push diumano na i-deny ang bagong prangkisa ng ABS-CBN ay ang anak ni Presidente Rodrigo Duterte na si Rep. Paolo Duterte at ang Iglesia ni Cristo, kung saan active members silang mag-asawa.
“Ang alam ko po, first of all, si Ate Shawie, ninang din namin siya sa first wedding namin. She’s very close also sa family nina Ka Erdy Manalo, ‘yung I think daughter and even the wife of Ka Erdy. Talagang may personal relationship siya with them. I don’t think na… ang alam ko po, pa-question ang sinabi niya. Parang tinatanong niya, ‘Totoo kaya ‘to?’ Kasi, hindi po ‘to statement na naniniwala siya.
“Ako po, I can only speak for myself as a member of INC, wala naman pong ina-announce sa amin or sinasabihan kami, 'Eto ang stand natin.' Sa totoo lang po, wala, eh. 'Di ba po kapag merong mga tagubilin, at the end of the church service, binabasa po ‘yun ng minister? Halimbawa, ‘O, sama po tayo, magkakaroon po tayo ng malawakang pagpapalaganap,’ something like that. Pero so far, wala po, eh. Walang sinasabi about that.
“Kaya kahit po ako, wala pong sinasabi sa amin na meron kaming koneksiyon or ang INC sa nangyayari ngayon sa ABS-CBN," esplika ni Gladys.
Sinabi rin ni Gladys na hindi siya aware sa isinasagawang noise barrage ng mga artista at empleyado ng ABS-CBN noong mga unang araw, pero inirerespeto niya anuman ang ipinaglalaban ng mga ito.
“Ngayon, kung maimbitahan, alam naman po natin ang sitwasyon with this covid, ‘di ba? Sa totoo lang po, kahit hindi pa sa invitation nila, kahit sa ibang invitation, hindi pa rin po kami makalabas ng bahay.
“Of course, I worry for my four kids. Mahirap na ‘yung paglabas mo ng bahay, nakasagap ka ng virus. Ikaw, kinaya ng sistema mo, pero ‘yung mga anak mo naman ang magdedelikado.
“So, ngayon po, hindi pa rin po kami ganu'n ka-confident lumabas ng bahay. But meron kaming way of pakikisimpatya. Maaaring tahimik ka ngayon, maaaring sa panalangin. Pero tayo po ay may kani-kanyang paniwala kung ano ang para sa inyo ay epektibo,” diin pa ni Gladys.
Comentarios