ni Anthony E. Servinio @Sports | February 6, 2023
Pinili ni forward Brandon Ingram ang tamang panahon para sa kanyang pinakamalupit na laro ngayong taon at tinalo ng kanyang New Orleans Pelicans ang dati niyang koponan Los Angeles Lakers, 131-126, sa NBA kahapon mula sa Smoothie King Center.
Dahil dito, pumantay ang Pelicans sa 27-27 at mahalaga ay tapos na ang kanilang 10 magkasunod na talo na dahilan ng kanilang paglagpak mula sa liderato patungong ika-11 sa Western Conference.
Matapos lumiban sa 34 ng 54 nilang laro ng Pelicans dahil sa pilay na malaking daliri sa paa, nagtala si Ingram ng walo ng kanyang 35 puntos sa 4th quarter upang masigurado ang tagumpay. Tinulungan siya ni Trey Murphy III na may walong puntos din sa parehong quarter at nagtapos na may 21 puntos.
Kahit bigo ay tinutukan pa rin ang opensa ni LeBron James at 36 puntos na lang ang kailangan niya upang lampasan ang 38,387 ni Kareem Abdul Jabbar matapos magsumite ng 27. Ayon sa numero, tinatayang maaabot ni LBJ ang bagong marka sa pagbisita ng Milwaukee Bucks – ang koponan ni Kareem mula 1969 hanggang 1975 bago lumipat sa Lakers hanggang magretiro noong 1989 – sa Pebrero 10, petsa sa Pilipinas ngunit bukas ang posibilidad na tapusin agad ang paghihintay laban sa bisitang Oklahoma City Thunder sa Pebrero 8.
Sa ibang mga laro, kinumpleto ni Cam Thomas ang bihirang four-point na may 12.2 segundo sa orasan upang magwagi ang Brooklyn Nets sa Washington Wizards, 125-123, kahit wala ang kontrobersyal na si Kyrie Irving. Hindi makakalimutan ni Thomas ang gabi na nagtala siya ng 44 bilang reserba, ang pinakamarami sa kanyang dalawang taon sa liga.
Comentarios