top of page
Search
BULGAR

Ingay sa pulitika, malamang sikat na naman ang ‘Pinas sa mundo

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Oct. 23, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

HAMON NG KAMPO NI VP SARA KAY PBBM MAGPA-DRUG TEST, HAMON NG KAMPO NI PBBM KAY VP SARA, MAGPA-PSYCHOLOGICAL TEST -- Sa takbo ng mga pangyayari tungkol sa bangayang pulitika sa bansa, malamang sikat at trending sa buong mundo ang ‘Pinas.


Ang hamon kasi ng kampo ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay magpa-hair follicle drug test, at ang hamon naman ng kampo ni PBBM kay VP Sara ay magpa-psychological test.


Ang mga isyung iyan ay nabalita sa mainstream media at social media, kaya’t hindi maalis sa isipan ng mga tao sa mundo na ang presidente ng Pilipinas ay suspected drug user at ang bise presidente naman ay pinaghihinalaang may saltik sa utak, tsk!


XXX


VP SARA, IPINAGTANGGOL NI SEN. VILLAR NA GALIT LANG DAW ITO KAYA INATAKE ANG MGA MARCOS -- Ipinagtanggol ni Sen. Cynthia Villar si VP Sara sa mga ginawa nitong pag-atake kay PBBM, na kesyo pupugutan ito ng ulo at pati ang yumaong dating Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr. ay nadamay na kesyo huhukayin ito sa libingan at ang mga labi ay itatapon sa West Philippine Sea (WPS).


Ayon kay Sen. Villar, masyado raw kasing pinrosecute ng Quad Committee ng Kamara si VP Sara, at dahil sa galit kung kaya’t nakapagsalita ito ng kung anu-ano laban sa Marcos, period!


XXX


KUNG BIAS SA SENATE SA EJK INVESTIGATION SI SEN. DELA ROSA, HINDI KAYA MAGING BIAS DIN SI SEN. KOKO PIMENTEL? NAGKAROON KASI SILA NG GAP NI EX-P-DUTERTE SA ISYUNG PDP-LABAN -- Tinabla ni Senate President Chiz Escudero ang nais ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na pamunuan ang imbestigasyon sa extrajudicial killings (EJK) dahil baka raw maging bias ito lalo’t isa ang senador na dating PNP chief ang naakusahang may kinalaman sa EJK sa panahon ng Duterte administration, kaya’t ang ginawa ng Senate president ay kay Sen. Koko Pimentel iniatang ang EJK investigation.


Aba teka, hindi kaya maging bias din sa imbestigasyon si Sen. Koko, kasi alam naman ng publiko na may gap sila ni ex-P-Duterte patungkol sa pinag-agawan nila kung sino ang may “K” o karapatan sa partidong PDP-Laban? Boom!


XXX


SANA HINDI LANG ANG ILOCOS NORTE MAY DAGDAG-SUWELDO, SANA ALL NG MANGGAGAWA SA 82 PROVINCES MAY DAGDAG-SUWELDO RIN -- Pinutakte na naman ng batikos ang Marcos admin sa pagkakaloob ng P33 dagdag-suweldo sa mga manggagawa sa Ilocos Norte.


Mababatikos talaga kasi mantakin n’yo, 82 ang probinsya sa buong ‘Pinas, tapos ang inaprub lang ng mga tao ni PBBM sa Dept. of Labor and Employment (DOLE) sa taas-sahod ay iyong mga kababayan ng Presidente sa Ilocos Norte.


‘Ika nga, sana all ng mga manggagawa sa 82 provinces, dinagdagan ang suweldo, period!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page