ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 24, 2022
Kung gaano kabilis ang pagdami ngmga ‘kagulong’, gayundin kabilis ang pagtaas ng bilang ng nakawan ng motorsiklo na hindi lamang nangyayari sa National Capital Region (NCR), kung hindi sa iba’t ibang panig ng bansa.
Umabot sa kabuuang 503 iba’t ibang klase ng sasakyan ang nabawi ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) nito lamang buwan ng Disyembre na kinabibilangan ng nakaw na kotse at motorsiklo.
Kabilang sa mga recovered vehicle ay biktima ng carnapping o carjacking mula sa mga may-ari at nasa 17 katao ang naaresto at nakasuhan ng carnapping.
Noong nakaraang taon, lmang carnapper ang nasawi habang lima rin ang nasugatan, kabilang ang tatlong pulis sa naganap na engkwentro Barangay Gukotan, Pikit, North Cotabato.
Matapos ang engkwentro ay tumambad sa pulisya ang mahigit sa 440 iba’t ibang klase ng motorsiklo na hinihinalang puro nakaw at para malaman ninyo kung gaano kalaki ang sindikato ng mga motornapper na ito, hindi lang motorsiklo ang nakuha sa kanila.
Narekober din sa kanilang pag-iingat ang dalawang M60 machine guns, anti-tank rocket B-40 launchers, M14 rifle, M203 rifle na may grenade launcher, tatlong M16 rifles, vintage .30 caliber Carbine rifle, dalawang .38 caliber revolvers at bomb-making components.
Noong Martes ng gabi lamang ay mahigit din sa apatnapu na pawang mga chop-chop motorcycle parts ang narekober sa pag-iingat ng tatlong kaanib ng sindikato ng motornapper sa kanilang hideout sa Bacoor City, Cavite.
Nag-ugat ang pagkakadiskubre sa hideout ng mga suspek nang isa nating ‘kagulong’ ang nagreklamo sa pulisya na tinangay umano ang kanyang motorsiklo sa parking lot ng Mang Inasal, Bgy. Molino 3, Bacoor City, Cavite.
Nagsagawa ng follow up operation ang mga barangay officials at sa pamamagitan ng CCTV backtracking ay ginalugad ang mga suspek na nagresulta sa pagkakabuwag ng naturang sindikato.
Napakarami pa ng malalaking kaso na naitala ang pamunuan ng HPG na malalaking grupo ng mga car/motornapper ang kanilang nabuwag, ngunit hindi talaga maiiwasan na hindi maubus-ubos ang masasamang loob, kaya dapat doble ang pag-iingat.
Hindi naman nagpapahinga ang HPG at iba pang elemento ng PNP sa pagtugis sa masasamang loob, ngunit huwag nating iasa lahat sa pulis ang kaligtasan ng ating sasakyan dahil nakasuot ang pulisya ng uniporme at alam ng mga kawatan kung nariyan sila o wala bago umatake.
Sa ilalim ng Republic Act No.10883 o mas kilala sa tawag na New Anti-Carnapping Act of 2016 ay isang batas na magpaparusa sa mga taong sangkot sa carnapping sa Pilipinas.
Ngunit hindi lahat ng nawalan ng sasakyan ay maaaring magsampa ng kaso dahil ang mga kabilang lamang ay ang mga sasakyang itinutulak ng kahit anong power na gumagamit ng public highways—hindi kabilang ang umuusad dahil sa muscular power.
Narito ang ilang halimbawa ng mga sasakyang hindi puwedeng magreklamo ng carnapping ang may-ari sakaling mawala o puwersahang nakawin o tangayin mula sa kanilang pag-iingat: road rollers, trolley cars, street sweepers, sprinklers, lawn mowers, bulldozers, graders, forklifts, amphibian trucks at cranes kung hindi kung hindi gamit sa public highways.
Hindi rin kabilang ang mga sasakyang dumaraan sa riles o tracks, hindi rin kasali ang tractors, trailers at lahat ng klase ng traction engines na ginagamit lamang sa agricultural purposes.
Ang puwede lamang maparusahan ng RA 10883 para sa krimen ng carnapping ay ang mga taong tumangay ng sasakyan nang walang pahintulot ng tunay na may-ari o kaya’y gumamit ng dahas, pananakot o pisikal na lakas para tangayin ang sasakyan at may intensyong makinabang.
Kaya mag-ingat mga ‘kagulong’ para hindi na lumungkot ang pagsalubong natin sa paparating na bagong taon — Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments