by Info @Editorial | Feb. 7, 2025
![Editorial](https://static.wixstatic.com/media/7c92fa_9e76a417c76a4f50b8398eb7cea0d1e2~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/7c92fa_9e76a417c76a4f50b8398eb7cea0d1e2~mv2.jpg)
Isang seryosong kaso ang pagbebenta ng mga expired na produkto. Hindi lamang nito inilalagay sa panganib ang kalusugan ng mga mamimili, kundi pati na rin ang kredibilidad at integridad ng mga negosyo.
Kamakailan, isang establisimyento ang ni-raid ng Philippine National Police (PNP) kung saan nabuking ang pagbebenta ng mga expired na produkto na umano’y nire-repack para muling ibenta sa mas murang halaga.
Ang mga expired na produkto tulad ng gatas, pasta, chocolate, inumin at mga sabon ay pinapalitan umano ng packaging at expiry dates. Hindi lamang ito simpleng pagsuway sa batas, kundi isang uri ng pananagutan na may malalim na epekto.
Ang mga expired na produkto ay maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan.
Sa mga pagkain, maaari itong maging sanhi ng food poisoning at iba pang kumplikasyon.
Para naman sa mga gamot, maaaring mawalan ng bisa o magdulot pa ng masamang epekto.
Ang bawat mamimili ay may karapatang makuha ang produkto na naaayon sa itinakdang kalidad at kaligtasan.
Kaya ang mga ahensya ng gobyerno ay may tungkulin na tiyakin na ang mga negosyo ay sumusunod sa mga regulasyon ukol sa kaligtasan ng mga produkto.
Mahalaga rin ang mga kampanya na magbibigay ng kaalaman sa mga mamimili kung paano maiiwasan ang mga expired na produkto. Gayundin, dapat may mas malupit na parusa para sa mga nagbebenta ng expired na produkto upang magsilbing babala sa iba.
תגובות