top of page
Search
BULGAR

Information, communication skills sa panahong laganap ang disinformation

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | June 23, 2024


Agarang Solusyon by Sonny Angara

Sa pagdaan ng mga taon, nakikita natin ang mabilis na pagbabago ng teknolohiya na kaakibat ang napakaraming impormasyon na sa isang pindot lang ay nakararating sa mamamayan.


Noon, hindi lahat ng tao ay may access sa internet dahil napakamahal ng subscription. Pero ngayon, naging mas madali na ang internet access at mas mura na ang halaga nito. Ang kailangan mo lang, mobile phone, o iba pang gadget. At kahit sa kaunting budget, puwede ka na makipagtalastasan sa social media o socmed kung tawagin natin.


Maganda naman sana na naging mas madali na ang access ng mga Pilipino sa internet. Pero sa paglipas ng panahon, naging tulay ang social media sa iba’t ibang katiwalian tulad ng disinformation o ‘yung mga kumakalat na impormasyong walang basehan, at ang iba, gawa-gawa lamang.


Ang paglala ng disinformation sa socmed ay kalat na kalat na at posibleng makaapekto sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Mas nagiging seryoso ang problema natin sa usaping ito kapag panahon ng kampanya hanggang sa mismong mga araw bago sumapit ang eleksyon. ‘Yan kasi ang isa sa mga ginagamit na paraan ng mga supporter ng kandidato kung paano nila isusulong ang kandidatura ng kanilang manok, habang may ilang grupo naman na ginagamit ang socmed para manira ng isang kandidato o kung sinumang indibidwal.


Wala  mang eksaktong datos na magpapakita kung gaano kalala ang epekto ng disinformation sa resulta ng eleksyon, inatasan pa rin kamakailan ni Comelec Chairman George Garcia ang isang unit ng poll body para suriin ang posibleng paggamit ng artificial intelligence o AI, gayundin ng deepfake technology sa eleksyon. Ipinag-utos ng opisyal ang pagbabawal sa teknolohiyang ito sa 2025 elections sapagkat maaari umanong i-impersonate nito ang mga personalidad na paniniwalaan naman ng publiko.


Sa kasalukuyan, mula 50% hanggang 85% ng mga Pinoy ay may internet access. Ayon sa Department of Information and Communications Technology, isa ang Pilipinas, kundi man nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang top users ng internet. Tayo rin ang gumugugol ng maraming oras sa social media apps. Ibig sabihin, babad na babad talaga ang Pilipino sa socmed. Pero sa mga binibisita nating websites, anu-ano ang nakakatulong sa atin para maging productive tayo sa buhay?


Sana, nakakatulong sa buhay natin ang pagbababad natin sa internet at ‘yan ang isa sa mga gusto nating mangyari base sa inihain nating panukala sa Senado – ang Senate Bill 625, ang National Digital Transformation Act. Layunin nito na mahulma ang digital skills ng mamamayan at gawing permanente ang isang national digital transformation strategy at ang isang national skills development strategy. Ito ay para masiguro na bawat Pilipino ay nabibigyan ng mas malinaw na pag-unawa sa kahalagahan ng information and communications technology (ICT) para naman ma-develop nila ang kanilang ICT skills. Kung may sapat tayong kaalaman dito, mas magiging malawak din ang kaalaman natin kung paano madi-disseminate ang tunay at pekeng impormasyon na nakikita at nababasa natin sa internet.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page