top of page
Search

Influencer, bawal mag-endorso ng vape products

BULGAR

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 7, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Noong nakaraang linggo, mayroon akong napanood sa social media na naghihikayat bumili ng vape. Kung hindi ako nagkakamali, sila ay mga influencers na may maraming bilang ng tagasubaybay at kinuha sila para iendorso ang nasabing vape. Bilang isang ina, natatakot akong mapanood ito ng aking anak at ito ay kanyang pamarisan. Tama ba ang kanilang ginagawa? Maraming salamat. Girlie


 

Dear Girlie,


Layunin ng Estado na itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan at itanim sa isip nila ang pagiging mulat sa epekto ng bisyo sa kanilang kalusugan. Dahil dito, isinabatas ng ating pamahalaan ang Republic Act (R.A.) No. 11900 o “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act.”


Ayon sa nasabing batas, ang paggamit at paghihikayat sa paggamit ng vape o anumang vaporized nicotine o non-nicotine na produkto ay may mga limitasyon. Kabilang dito ang pagbabawal sa pag-eendorso o paghihikayat ng mga celebrities o mga kilalang personalidad.  Ayon sa Seksyon 3 ng nasabing batas, ang mga celebrities ay:


Section 3. Definition of Terms. — For purposes of this Act, the following terms shall mean: x x x


(b) Celebrity shall refer to any natural person who, by his or her accomplishments or fame, or by reason of his or her profession or calling, gives the public a legitimate interest in his or her doings, affairs and character. The term includes anyone who has arrived at a position where public attention is focused upon him or her as a person, such as, but not limited to, actors, athletes and other sports personalities, war heroes, famous inventors, social media influencers and explorers among others; x x x”


Base sa nasasaad na probisyon, ang mga social media influencers o mga taong kilala sa social media ay kabilang sa depinisyon ng celebrity. Bilang mga taong may hinahawakang posisyon kung saan ang atensyon ng publiko ay nakatutok, sila ay nasasakop ng R.A. No. 11900.


Nasasaad sa Seksyon 12(c) ng nasabing batas na ipinagbabawal ang pag-endorso ng sinumang celebrity ng anumang vaporized nicotine o non-nicotine na produkto. Ayon dito:


“Section 12. Product Communication Restrictions. — Advertisement of Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, or Novel Tobacco Products and other forms of consumer communication shall be allowed in points-of-sale or retail establishments, through direct marketing, and on the internet: Provided, That the following guidelines shall apply: x x x


(c) These shall not feature a minor and/or a celebrity or contain an endorsement, implied or express, by a celebrity. Manufacturers, importers, and sellers in their product advertisements are prohibited from contracting celebrities or health professionals to promote or encourage the use of Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products or Novel Tobacco Products; x x x” 


Upang sagutin ang iyong katanungan, malinaw sa nakasaad na probisyon na bawal ang pag-endorso ng sinumang social media influencer ng anumang vape products. Ang sinumang mapatunayang lumabag ng probisyon na ito ay maaaring humarap sa kaukulang parusa ng batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Комментарии


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page