ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 4, 2024
Pinangunahan natin ang groundbreaking ceremony ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC)-Infectious Disease Center sa Cebu City nitong nakaraang Huwebes, Agosto 29.
Ang VSMMC Infectious Disease Center ay apat na palapag na gusali na magsisilbing pasilidad para sa makabagong laboratory at isolation place upang tukuyin at maiwasan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit.
Sa pamamagitan natin, nakapaglaan ng pondo sa kasalukuyang national budget para sa pagpapatayo ng nasabing gusali.
Dinaluhan din ang nasabing okasyon nina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, VSMMC Medical Chief Dr. Gerardo Aquino, Jr., at mga kongresista sa Cebu City.
Ang Infectious Disease Center na ito ay magiging simbolo ng ating dedikasyon, hindi lamang sa paggamot ng sakit, kundi sa pag-iwas at pagpigil dito. Dahil matitiyak nating mas handa tayo sa anumang pagsubok pagdating sa pakikibaka sa problema sa kalusugan.
Lalo pa at napakaraming nakamamatay na sakit ang nagsusulputan na kailangan talaga nating paghandaan. Sana mula rito ay makita natin ang liwanag ng bagong pag-asa, isang pangarap na nagtutulak sa atin tungo sa isang mas ligtas na bukas.
Napapanahon ang Infectious Disease Center na ito lalo pa at mismong ang World Health Organization (WHO) na ang nag-anunsiyo hinggil sa kailangang paghahanda ng bawat bansa sa patuloy na pagtaas ng kaso ng monkey pox (mpox).
Kinumpirma naman ng DOH na gumaling na ang 33-anyos na lalaking pinakahuling nagpositibo kamakailan sa mpox at pinayuhan na umuwi sa kanilang bahay.
Nabatid na lumang variant ng mpox ang tumama sa lalaki. Hindi umano ito katulad ng clade 1-b variant sa Africa ngayon na nakamamatay.
Binanggit pa ng DOH na hindi na pina-quarantine ang 40 naging close contact ng lalaki maliban na lamang kung magkaroon sila ng sintomas.
Sa ngayon ay negatibo sila sa mpox kahit na ang mga miyembro ng pamilya ng carrier.
Sinabi pa ng DOH na sa 10 tinamaan ng mpox sa bansa, lahat sila ay hindi nakahawa sa mga miyembro ng kanilang pamilya.
Target na sa kasalukuyan ng WHO na magpatawag ng pulong sa expert committee para pag-usapan ang problema ng mpox outbreak sa iba’t ibang bahagi ng daigdig partikular sa Africa.
Simula Setyembre noong nakaraang taon, nagkaroon na ng pagtaas sa kaso ng naturang sakit sa Democratic Republic of Congo na pinaniniwalaang kumalat na rin sa iba pang mga African country -- kinokonsidera nila ang lahat ng factor kung kailangan nang pulungin ang International Health Regulations Emergency Committee para kilusan ang nasabing problema.
Ang mpox ay isang nakahahawang sakit dulot ng virus na naililipat sa mga tao mula sa mga hayop. Posible rin ang human to human transmission sa pamamagitan ng physical contact. Una itong nadiskubre noong 1970 sa Democratic Republic of Congo kung saan ang mga senyales nito ay lagnat, pananakit ng kalamnan, skin lesions at iba pa.
Ang isinagawa nating groundbreaking sa VSMMC - Infectious Disease Center sa Cebu City ay isang malaking tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na huwag ipagwalang-bahala ang mabilis na pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng mpox upang hindi na lumala, na sa huli ay saka tayo maghahabol kung paano ito mareresolba.
Patunay lamang ito na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa pagkalinga partikular na sa pagpapabuti ng kalusugan ng ating mga kababayan.
Bago pa man nakapasok sa ating bansa ang mpox ay makailang ulit nang nagbigay ng babala ang DOH ng ibayong pag-iingat ngunit sadyang matindi ang mpox dahil ngayon ay nagsisimula nang maminsala sa bansa.
Ngunit ang mahalaga ay gumagawa tayo ng paraan hindi lang sa mpox kundi sa marami pang infectious disease na magpapahirap sa mga kababayan.
Ngayong mayroon nang VSMMC - Infectious Disease Center sa Cebu City ay malaking tulong ito para sa pagsugpo sa mga nakahahawang sakit at malay mo masundan ito sa iba pang lalawigan dahil sa ating pagsisikap — kaya walang makapagsasabi.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
留言