top of page
Search
BULGAR

Industriyang Pinoy, may laban sa pandaigdigang kompetisyon kung matututukan

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | July 1, 2023


Sa katatapos na International Trade Forum sa Taguig City, inilunsad ng administrasyong Marcos ang kanilang Philippine Export Development Plan 2023 to 2028 (PEDP).


Ito ay isang komprehensibong paraan kung paanong mas mapalalakas o mas mapalalago ang ating exports upang makapatas sa exports ng mga karatig-bansa ng Pilipinas.


Nagpahayag din si Trade Secretary Alfredo Pascual na chairman ng Export Development Council na higit na kailangan natin ngayon na mapalakas ang ating export potential.


Kung meron tayo nito, posible ang paglago ng ating kalakalan at mas may kakayahan ang mga producer na mapataas ang kanilang produksyon at magawang mas epektibo ang kanilang serbisyo. Ito rin ang magiging daan para lumago ang mga industriyang Pilipino na maaaring maisabak sa pandaigdigang kompetisyon, at malaki rin ang posibilidad na mas marami pang investment ang papasok sa bansa.


Sa pahayag ni Pangulong Marcos sa launching ng PEDP, sinabi niyang kung maisasakatuparan natin nang maayos ang mga istratehiyang ito, masisiguro ang paglusog ng ating export sector at ang lalo pang paglago ng ating ekonomiya.


Sa ating pakikinig sa pahayag ng Pangulo, napagtanto natin na kahit pa sabihing bumabangon na nga ang ating ekonomiya, malaki pa rin ang dapat na punan.


Gayunman, malaki ang tiwala natin sa PEDP dahil konektado ito sa ating Tatak Pinoy or Proudly Filipino advocacy na matagal na nating isinusulong.


Nabuo natin ang adbokasiyang ito dahil sa nakita nating inspirasyon sa Atlas of Economic Complexity nina Dr. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Dr. Cesar Hidalgo ng Massachusetts Institute of Technology. Sila ang nagsabi na nakabatay sa lakas ng eksportasyon ng isang bansa ang galaw at kalusugan ng kanyang ekonomiya.


At sa nakalipas na tatlong taon, ilang masusing pananaliksik ang ginawa ng ating tanggapan para makita ang productive capability ng ating bansa. Sinaliksik din natin kung ano ang mga produkto na ating ini-export, at kung gaano kalaki ang potensyal ng mga ito sa atin.


At kabilang sa mga nakita natin, nakapagpo-produce ang Pilipinas ng iba’t ibang materyal na nagagamit natin sa paglikha ng complex products tulad ng mga sasakyan, eroplano at itong mga robotics. Pinatunayan lamang ng mga ito ang sinabi ng Pangulo na kayang punan ng kahit isang sektor lang ang ating export basket. Malaki ang potensyal natin basta lang mabigyan ng kaukulang suporta. Naniniwala tayo na kung may solidong suporta, malaki rin ang posibilidad na mas marami tayong ma-produce at mapupuno natin ang ating basket of goods. Mula riyan, aakyat tayo sa eksportasyon ng mga complex at high-value products. At kung tayo ay maging ganap na exporter ng complex products, d'yan din magsisimula ang totoong paglakas ng ating ekonomiya.


Kapag malakas ang ekonomiya, ang ibig sabihin, marami tayong magagandang trabaho at disente ang suwelduhan natin.


Sa ngayon, ang una nating gagawin ay suriin itong PEDP para malaman natin kung ano ang mga tulong na maaaring magawa ng Senado para mapagtagumpayan ng administrasyon ang layunin nitong mapalakas ang ating exports.


Kapag nagtagumpay tayo rito, milyun-milyong high-quality jobs ang malilikha natin dito, at ang Filipino talents at scientists, ‘di na kailangang magtrabaho sa abroad. Ganitung-ganito ang nilalaman ng isinusulong nating Tatak Pinoy – ang mapaunlad natin ang sariling atin – maiangat ang mga negosyanteng Pinoy at mapatatag ang iba’t ibang industriyang Pilipino. Sa pamamagitan nito, mas lalakas ang ating produksyon, at mas malaki ang tsansa nating maging competitive sa pandaigdigang kalakalan.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page