ni Lolet Abania | July 14, 2021
Pinalawig ng pamahalaan ang pagbabawal sa mga inbound flights na mula sa India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates at Oman hanggang July 31, 2021 sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque isang araw bago mag-expire ang initial ban ng nasabing mga bansa ngayong July 15.
Samantala, sinabi naman ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapatupad ng ban sa mga travelers mula sa Indonesia.
“Nag-aantay lang po tayo ng kasagutan mula sa OP but the IATF has already recommended that Indonesia be included in the list of countries that we initially imposed a travel ban [on],” ani Duque sa isang pre-SONA forum.
Subalit, ayon kay Roque, wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung magpapatupad din ng katulad na ban sa Indonesia na nakakaranas sa ngayon ng pagtaas ng mga kaso ng mas transmissible na Delta variant ng COVID-19.
“We already have a recommendation but let us wait for the decision of the President,” ani Roque sa briefing ngayong Miyerkules. Nitong Martes, nakapagtala ang Indonesia ng record-high na 47,899 bagong COVID-19 infections at plano nilang mag-order ng oxygen supplies para sa kanilang mga pasyente.
Commentaires