ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 21, 2021
Rumesbak si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga humihiling sa kanyang patalsikin na sa puwesto si Department of Health Secretary Francisco Duque III.
Hirit ng pangulo, magbigay ng dahilan ang mga kritiko ni Duque upang alisin niya sa puwesto ang kalihim.
Saad ni P-Duterte, “Kawawa naman ‘yung mama. Gusto nila… they want me to fire Duque.
“Gusto mong paalisin ko? Give me a reason bakit ko paalisin. Eh, kinuha ko ‘yung tao, nakiusap. Hindi naman ‘yan nag-apply, nakiusap. Hindi nakiusap na 'Kunin mo ako.' Ako ang kumuha.
“So, kung ano’ng pagkakamali niya, sa akin ‘yan.
“You want to oust him for what? Ano ba ang nagawa niya na kasamaan? May dalawang asawa siya? Wala tayong pakialam niyan, dagdagan mo pang isa, secretary, para tatlo.”
Aniya, ang mga sinisibak lamang niya sa puwesto ay ang mga sangkot sa korupsiyon at dereliction of duty, kaya isang matinding kawalan ng katarungan umano kung sisibakin niya si Duque.
Saad pa ng pangulo, “I could be doing a great injustice. Alam mo kung bakit? Ako ang kumuha [sa kanya] and he is performing. 'Pag pinaalis ko 'yan si Duque, lifetime sabihin diyan, 'Alam mo, pinaalis ‘yan kasi may corruption sa ano.' Just imagine the injustice that you inflict on your fellow human being.
“Hindi ako ganoon kung mag-perform ka. Ngayon kung magnakaw ka riyan, puwede pa kitang ipapatay para tapos ang problema ko. Tapos niyan, pakulong ako. Okay lang 'yan.”
Comments