ni Ambet Nabus @Let's See | Jan. 27, 2025
Photo: Maris Racal sa Incognito - IG
Marami na ang nag-aabang sa week 2 ng Incognito dahil sa karakter ni Maris Racal.
Hindi pa man ay pinag-uusapan na ang naging trailer ng action series kung saan confidently ay nakikipagbarilan itong si Maris na naka-bikini lang at ubod nang seksi.
Parang wala ngang nangyaring pangit na kaganapan sa kanila ni Anthony Jennings, na kenkoy na kenkoy pa rin ang awrahan sa series.
In fact, sa pagpo-promote nga ni Maris ng pang-international movie niyang
Sunshine na kalahok sa Berlinale Intl. Film Festival (BIFF), mukhang tinutulungan pa siya ni Anthony.
Ang hamon nga ng aming insider from Incognito, “Kung talagang nakatutok o natutukan ninyo ang mga ganapan nila, pansinin ninyo ang very inspiring scenes nila from Palawan to Italy.”
Aguy!
May isa na namang haligi ng industriya na ipinagluluksa ngayon, si Tita Gloria Romero, lehitimong movie queen at isa sa mga pinakadakilang tao sa industriyang ito.
Wala yatang artista, noon man o bago lang, ang hindi nagbibigay ng respeto at paggalang kay Tita Glo na sa edad na 91, ay halos tumagal din ng pitong dekada sa showbiz.
Sa set ng Palibhasa Lalake (PL) namin personal na nakilala si Tita Glo noong late ‘80s kapag may mga sinasamahan kaming guest sa programa. Aliw na aliw kami sa karakter niyang si Tita Minerva, ang lasenggang nanay nina Amy Perez at Cynthia Patag sa sitcom at kabardagulan nina Richard Gomez, Joey Marquez, ang yumaong si Miguel Rodriguez, hanggang sa Gwapings at kay John Estrada.
Una namin siyang nakatrabaho sa My Other Woman (MOW) movie na bida sina Alice Dixon at Christopher de Leon sa direksiyon ni Direk Maryo J. delos Reyes noong 1990 (buong class namin noon ni Direk Maryo from UP Masscomm ay ginawa niyang PAs, extras, at parte ng production for our school requirement). Wala lang, star struck lang kami sa ganda ni Tita Glo noon na lagi kaming nakanganga kapag umeeksena na siya. Hahaha!
Then naulit uli sa Magnifico noong early 2000s (P.A. ako uli ni Direk Maryo J.), kung kailan mas nakita namin ang pagiging tunay na reyna ni Tita Glo. Very regal kumilos, pero lumalabas din ang pagka-kikay kapag masaya ang usapan, dedicated, hindi nale-late at higit sa lahat, napakahusay na artista.
Hindi namin makakalimutan ‘yung naging tsikahan namin noon nina Direk Maryo tungkol sa husay niya sa mga movies na Condemned at Kung Mahawi Man Ang Ulap (KMMAU), na sabi nga namin ay dapat siyang nanalo ng mga awards.
At dahil big fan kami ni Vilma Santos, karamihan sa mga movies na nagkasama sila ay rehistrado rin sa amin gaya sa Makahiya at Talahib, Gaano Kadalas Ang Minsan (GKAM), Saan Nagtatago Ang Pag-ibig (SNAP) (‘yung eksenang para siyang nabunutan ng tinik at humahalakhak, classic na classic ‘yun), hanggang sa Kapag Langit Ang
Humatol (KLAH) (OMG! Sobrang husay niya roon sa confrontation nila ni Ate Vi).
Noong isa kami sa regular na publicists ng Regal Films, sobrang bongga sa amin ‘yung ilang beses naming naging kuwentuhan nina Mother Lily Monteverde sa set ng Bahay Kubo (BK) with Maricel Soriano, Eugene Domingo, Marian Rivera et al. Grabeng nakaka-star struck ang kanyang pagiging glamorosa sa gitna ng mga tsismisan at tawanan. Siya pa ang nagsaway sa amin noong makatarayan namin si Uge sa isang isyung hindi na namin matandaan. Hahaha!
Regular naming binabati si Tita Glo sa mga programa namin as early as 2008 sa DZMM noon, hanggang sa mag-end ang show namin ni partner Gretchen Fullido noong 2019, at nagka-pandemic.
Kahit nasa GMA-7 na siya noon, basta magkita-kita kami sa mga mediacon o bumibisita kami sa mga taping ng TV shows niya o sa movie set, hindi puwedeng hindi kami magkuwentuhan at magkumustahan.
Ang ilan pa sa most memorable movies ni Tita Glo ay ang Tanging Yaman (TY), Rainbow’s Sunset (RS), Bilangin ang Bituin sa Langit (BABSL), Kasal, Hindi Nahahati Ang Langit (HNAL), Mother Dear (MD), Miguelito at ‘yung mga de-kalidad na nagawa niya noong ‘60s, ‘70s at ‘80s.
For sure, mayroong mga film scholars, nasa academe o media arts people na magsusulong na gawin ding National Artist ang isang Gloria Romero.
Hindi rin matatawaran ang kanyang naging kontribusyon sa industriya simula pa noong 1950s hanggang nitong 2020s.
Nakikiramay po kami sa nag-iisang anak ni Tita Glo na si Maritess Gutierrez at sa apo niyang si Christopher, na lagi niyang ipinagmamalaki sa mga kuwentuhan. Sa lahat ng mga naulilang kaibigan, kaanak at katrabaho, our deepest sympathies and condolences po.
May you rest in peace, Tita Glo at maraming salamat sa mga magagandang alaala.
Opmerkingen