ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | March 11, 2022
Walang duda na ang ating overseas Filipino workers (OFWs) ay itinuturing na mga bagong bayani ng bansa. Hindi nila alintana ang hirap at pagod sa ibayong-dagat, gayundin ang pangungulila sa mga naiwang mahal sa buhay. Malaki ang ambag ng kanilang mga sakripisyo sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa at kabuhayan ng kanilang pamilya. Ngunit hindi sa lahat ng panahon, sila ang pinagmumulan ng nasabing kontribusyon para sa ating bayan; may mga sandaling sila ang kailangang kandiliin ng ating pamahalaan. Isa sa mga OFWs na nangangailangan ng pagkalinga ay si Gng. Melissa Niña B. Laurenciano ng Sorsogon, ina ni Angelo James Parejas, 15, bakunado ng Pfizer.
Narito ang ilan sa mga detalye na kaugnay sa nasabing pagbabakuna kay Angelo James, hango sa Judicial Affidavit ni Aling Melissa na may petsang Pebrero 21, 2022. Si Angelo James ay nabakunahan ng Pfizer noong Disyembre 21, 2021 at Enero 11, 2022. Ang pagbabakuna ay naganap noong una sa isang eskuwelahan sa Sorsogon at pangalawa sa isang plaza sa nasabi ring bayan. Ang kasama niya sa pagpapabakuna ay si Grace L. Delos Reyes, ate ni Aling Melissa dahil sa mga panahong ‘yun, ang huli ay nagtatrabaho sa Saudi Arabia. Ngunit malayo man si Aling Melissa, nalaman at nakita niya ang epekto ng bakuna sa kanyang anak at isinalaysay niya na, “Nakita ko ang masamang epekto pagkatapos niyang mabakunahan ng Pfizer sa pamamagitan ng mga video call. Dahil dito, nagpasya akong umuwi ng Pilipinas para personal na makita at maalagaan ang aking anak.”
Ani Aling Melissa, nagsimulang magkaroon ng lagnat at pananakit ng ulo ang kanyang anak noong Enero 19, 2022, walong araw matapos ang second dose ng bakuna. Pinainom naman siya ng paracetamol ng kanyang ate, subalit hindi siya nawalan ng lagnat. Dahil dito, aniya, “Noong ika-23 ng Enero, sinabihan ko si Ate Grace na dalhin na sa ospital si Angelo James dahil nagsasalita siya mag-isa nang hindi maintindihan, nangingisay at nagha-hallucinate na habang kami ay magka-video call.”
Habang nasa naturang ospital si Angelo James, lumala diumano ito, kaya sinabihan ni Aling Melissa ang kanyang ate na iuwi na ang kanyang anak. Nawala aniya ang hallucinations nito, pero nangingisay pa rin at hindi nakakapagsalita, pero nakakakain na siya ng mga prutas at malalambot na pagkain. Naikuwento ni Aling Melissa ang sumunod na pangyayari:
“Noong ika-10 ng Pebrero, nahihirapan na siyang dumumi kaya pinabili ko si Ate Grace ng suppository at siya naman ay nakadumi. Kinagabihan, umiyak siya at tinuro ang tiyan niya nang tanungin ni Ate Grace kung ano ang masakit sa kanya. Sumasakit na rin ang kanyang mga paa at binti kaya nagpasya akong ipadala siya sa provincial hospital kinabukasan. Kitang-kita ko ang lahat ng paghihirap niya dahil magdamag ko siyang binantayan.”
Sa nasabing ospital, nagsimula na siyang magwala, mangagat at manakit. Hindi na rin siya nakakatulog kaya tinuturukan siya ng pampatulog. Noong Pebrero 11, sinuri siya ng mga doktor at sumailalim siya sa laboratory tests at x-ray.
Masakit na katotohanan ang nabatid sa naging resulta ng mga laboratory tests. Sabi ni Aling Melissa, “May T/C Meningitis daw ang aking anak kaya sinabihan si Ate Grace na ipa-CT Scan siya.”
Dagdag pa niya, “Sinabihan ng doktor si Ate Grace na normal ang resulta ng CT scan, ngunit walang ibinigay sa aming kopya ng resulta na nagsasabing okay nga ang resulta. Pagkatapos makuha ang resulta ng CT scan, sinabihan kaming ilipat na si Angelo James sa isang ospital sa Legazpi City, Albay upang magamot. Kinakailangan din daw sumailalim sa MRI ng aking anak.”
Nailipat si Angelo James sa ICU noong Pebrero 18, ngunit patuloy na lumala ang kalagayan niya. Nagwawala pa rin siya kaya itinali ang kanyang mga kamay at paa. Ang kalagayan niyang ito ang nakapagpasya kay Aling Melissa na umuwi ng Pilipinas at humingi ng tulong sa aming tanggapan. Bukod kay Angelo James, nais niya ring matulungan ang dalawa pa niyang mga anak na sina Mhyelzha Yna at Sofia Francis na kasama na sa 5 hanggang 11-anyos na babakunahan.
Tumalima ang inyong lingkod, kasamahan kong public attorneys at mga doktor ng PAO Forensic Laboratory Division sa mga kahilingan ni Aling Melissa. Binigyan ng mga gamot si Angelo James ng aming mga doktor. At para naman kina Mhyelzha Yna at Sofia Francis, tinulungan namin si Aling Melissa na makapagsampa ng kaso sa husgado para mapatigil ang pagtuturok sa mga 5 to 11 year-olds. Sa espasyo sa ibaba ng artikulong ito, binibigyang-daan ang mga hinaing ni Aling Melissa. Mula pa rin ang mga ito sa kanyang Judicial Affidavit:
“Bukod sa galit, sobra akong nag-aalala, sapagkat ayaw kong pabakunahan ang aking mga anak kontra COVID-19 dahil experimental pa lang ang gamot. Nalaman ko lang na nabakunahan si Angelo James noong second dose na at nang nag-post ang ate ko sa Facebook na nagpabakuna sila nang araw na ‘yun. Tama na sanang ako ang nabakunahan, sapagkat kinakailangan sa aking trabaho sa abroad. Nakalulungkot ang nangyari sa aking anak dahil sumunod lamang naman ang ate ko sa regulasyon ng gobyerno, pero napasama pa ang kalusugan niya. Ang masakit pa nito, damit, kumot, suklay at sabon lang nabigay ng DOH kahit nanghingi ako ng tulong sa kanila, gayundin kahit nag-viral ang videos na nai-post ko sa Facebook tungkol sa nangyari kay Angelo James. Isa akong OFW at nagdesisyon pang umuwi dahil sa sinapit ng anak ko, ano ang ipantutustos ko sa sakit at hospital bills niya?
Malusog, maliksi at aktibo siyang bata bago maturukan. Kung alam kong mababakunahan siya, sana ay napigilian ko ang pagbabakuna sa kanya ng Pfizer. Nawalan na ng saysay ang kanyang pagbabakuna dahil wala na siya sa sarili at matinong pag-iisip ngayon. Hindi ito makatarungan kaya sana, matigil na ang pagbabakuna sa mga bata.”
Comments