ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 23, 2024
Bilangin ang iyong natatanggap na biyaya.
Iyan ang paalala ng isang kasabihan, para maturuan ang ating puso na maging laging mapagpasalamat. At kung bibilangin nga natin ang ating mga natatanggap na biyaya, makikita at mapapagtanto nating nangunguna rito ang pagkakaroon ng isang ina — ina na sa atin ay nagluwal, nag-aruga, nagmamahal at handang gawin lahat ng nararapat para sa ating kabutihan at kinabukasan.
Unang-unang tatangis at dadamay ang isang ina sa anumang masakit o mapait na pangyayaring pinagdaraanan ng kanyang anak. Sapagkat ang kanyang buhay ay mananatiling nakaugnay sa buhay ng kanyang anak kahit pa malayo na ang kanyang narating o hindi na niya ito kapiling. Siya ang unang tatakbo para yumakap sa kanyang anak sa sandali ng pagsubok, pagkalugmok o pagkapariwara. Siya ang magsisilbing ilaw sa madilim na panahong nananawagan ng ganap na pag-apuhap sa kabuluhan ng buhay.
Mula sa bukang-liwayway, ganap na pagpapamalas ng araw sa umaga, hanggang sa tirik na katanghalian, dapithapon at kalaliman ng gabi, nariyan ang tunay na ina para magsilbing moog ng paninindigang mabuhay, tahimik man siya o nangungusap. Ang kanyang presensiya ay bigkis na nagpapatibay sa determinasyon at pangarap ng kanyang anak.
Ang mga pangaral ng isang ina ay hindi dapat kailanman ipatangay sa alon ng panahon. Bagkus dapat itong manatili sa puso at isipan at magsilbing kayamanang hindi matatawaran na mahuhugot sa bawat sandaling may agam-agam o dinadalang kalungkutang tila walang matanaw na pagkapanuto.
Kaya’t ang paggalang at pagdakila sa isang ina ay batas hindi lamang ng kalangitan kundi batas na inilagay sa ating puso ng Maykapal bilang siyang karapat-dapat sundin sa lahat ng panahon. Nakalulungkot makakita at makarinig ng mga nagtagumpay na kapwa natin Pilipino na piniling tila duming walisin na lamang sa ilalim ng basahan ang kanilang ina.
Ang mukha ng isang ina ay hindi lamang namamalas sa katauhan ng isang biological mother o babaeng nagsilang ng anak mula sa kanyang sinapupunan. Ina ring matuturingan ang nag-aruga at kumupkop sa isang batang hindi niya kadugo ngunit itinuring niyang kanyang sariling anak.
Ina ring matatawag ang bawat babaeng nagsisilbing nanay kahit kaninumang kanyang inaaruga ng singkabuluhan ng ginagawa ng inang nagluwal sa kanyang anak. Dapat silang galangin, respetuhin at dakilain at ilagak sa espesyal na puwang ng puso bilang tunay na ina.
At sa araw na ito, isang inang nagdiriwang ng kanyang ika-70 kaarawan — aming nanay, kaibigan, takbuhan at kanlungan ng aming puso sa lahat ng panahon — ang aming binibigyang pugay at pinasasalamatan. Siya ang ina namin sa BULGAR, si Mrs. Leonida Bonifacio Sison, na binabati namin ng isang makabuluhang kaarawan. Dasal namin ang patuloy na kalusugan, pagpapalang makapagpapasaya at makapagpapaawit sa puso, at lahat ng sagot sa kanyang bulong na dalangin sa Maykapal.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments