ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Pebrero 22, 2024
Dear Sister Isabel,
Kahit saan ako pumunta hindi ako makatagpo ng katahimikan. Dati akong nakatira sa probinsya, ang ingay ng kapitbahay namin. Sa harap pa mismo ng bahay namin sila naglagay ng mga silya, nagtsi-tsismisan at nag-iinuman. Mabuti na lang ay nakabili ng bahay ang anak ko sa Laguna, at ako ang caretaker niya.
Natuwa ako dahil malayo na ko sa ingay ng kapitbahay namin, pero hindi pa rin pala. Dikit-dikit ang bahay sa nilipatan ko, ang liit lang ng pagitan sa kapitbahay, maski ang kalampag ng pinto nila ay dinig na dinig sa bintana ko.
Ang masaklap pa, ‘yung kulungan ng aso nila sa tabi pa ng bintana ko nilagay. Binging-bingi na ko sa kakakahol ng mga ito. Minsan, umaalulong pa na para bang may nakikitang masamang espiritu. Hay buhay!
Paglabas ko pa ng gate nagkalat ang dumi ng mga asong gala. Hinahayaan din pala dito ang asong gala. ‘Yun namang hindi gala, dala-dala ng amo nila at dito pa sa harap ng gate ko pinapaihi. Sa sobrang inis, nasigawan ko tuloy sila.
Kailan kaya ako magkakaroon ng katahimikan sa aking kapaligiran? Physically and emotionally depressed na ako. Ano kaya ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Nanay Dory ng Laguna
Sa iyo, Nanay Dory,
‘Ika nga sa kasabihan, “Patay lang ang walang problema”. Sa kaso mo, gusto mo na bang mamatay?
Sa palagay ko ay hindi pa, buhay ka pa kaya harapin mo ng buong katalinuhan, buksan mo ang iyong isipan sa mga problema. Ikaw na ang mag-adjust at mag-isip ng tamang paraan para libangin ang iyong sarili.
Maging busy ka sa mga bagay na nagpapasaya sa iyo. Magpatugtog ka ng music sa loob ng bahay mo para ‘di mo marinig ‘yung kahol ng aso.
Mamasyal ka sa mall, mag-window shopping ka kung naiinip ka na sa inyo o kaya naman makipag-bonding ka sa mga kaibigan mo, sumama sa mga gimmick nila para maging masaya ka hindi ‘yung lagi kang nasa bahay lang.
Marami pang ibang bagay na puwede mong gawin para hindi ka ma-stress sa kapaligiran mo. Huwag mong kunsumihin ang iyong sarili. Lahat ng bagay na nagpapa-stress sa iyo ay may katapat na solusyon, basta’t gamitin mo lang ang iyong isip at talino kung ano ang dapat gawin.
Daanin mo sa diplomasya huwag sa init ng ulo, at higit sa lahat mas mabuti kung magiging busy ka sa gawaing pang-simbahan. Sumali ka sa church organization. Kung maaari, maglingkod ka sa simbahan. Ngunit, kung maganda naman ang boses mo, sumali ka sa choir, kung okey ka namang magsalita, mag-lector ka.
Kayang-kaya mo ‘yan. Malaki ang maitutulong sa iyo ng mga bagay na sinabi ko para harapin mo nang buong sigla ang buhay sa mundo. Hanggang dito na lang. Pagpalain ka nawa ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments