ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-22 Araw ng Abril, 2024
Dear Sister Isabel,
Isa na ‘kong ina, ang pinoproblema ko ngayon ay ang kaisa-isa kong anak na ubod ng tigas ng ulo. Mula pagkabata, minulat na namin siya sa mabuting asal, ngunit nagtataka kami bakit ganito pa rin katigas ang kanyang ulo. Hindi niya sinusunod ang mga pangaral namin, gayung teenager naman na siya. Ang hilig pa niyang sumagot at sa tingin siguro niya siya ang laging tama. May alam ba kayong orasyon upang bumait ang anak ko? Nawa’y matulungan n’yo ako.
Umaasa,
Nora ng Roxas City
Sa iyo, Nora,
Ang upbringing ng isang bata ay nasa kanyang mga magulang. Kung ano ang nakikita niya sa bahay, ‘yun din ang gagayahin niya.
Dapat kayo mismo ang magpakita ng magandang asal sa anak mo. Baka naman kasi lagi kayong nag-aaway at ‘di magkasundo ng asawa mo, ‘yun bang parang wala ng pagmamahal para sa isa't isa.
Kayo munang mag-asawa ang dapat magpakita ng magandang halimbawa. Paano babait ‘yang anak mo kung walang nakikitang magandang asal na dapat niyang maging halimbawa? Kahit pa na maya’t mayain n’yo ang pangaralan sa kanya, hindi ‘yan babait kung lumaki siya sa bahay na hindi nakikitaan ng magandang kaugalian. Ituwid n’yo muna ang sarili n’yo at sikaping mag-family bonding upang mas lumalim ang samahan n’yo.
Mamasyal kayo, mag-picnic, mag-swimming at iba pa. Tungkol naman sa orasyon, ang pinakamabuting orasyon ay ang simpleng pagdarasal bago matulog at matuto rin kayong sabay-sabay na magsimba tuwing araw ng Linggo. Umpisahan n’yo na ito ngayon, tiyaga lang. Ganyan talaga maging isang ina. Lakip nito ang dalangin na sana mabago na ang ugali ng anak mo. Maging mabait at masunurin nawa siya habang lumalaki.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Comments