Ilang laman-loob ng 13-anyos na namatay sa Dengvaxia, ‘di ibinalik, natirang organs, pinaghalu-halo lang sa katawan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 8, 2021
Line veto! Ito ang sigaw at hiling na pamaskong regalo mula kay Pangulong Rodrigo Duterte ng mga batang binakunahan ng Dengvaxia na hanggang ngayon ay lumalaban sa bagsik ng side-effects nito. May budget sa GAA 2021, pero binabawalan ng dalawang senador ang PAO na magpasuweldo at magpagamit ng pasilidad ng office para sa Forensic Laboratory Division Personnel nito.
Nasa ating kultura, maging sa ating batas ang pagpapahalaga sa mga yumao. Ang paggalang na ito ay inihahandog natin sa kanilang mga labi at alaala. Kaya naman kapag taliwas dito ang nangyayari, matinding emosyon at labis na pagkadismaya sa kawalan ng pagpapahalaga ng mga kinauukulan ang nararamdaman ng mga pamilyang naiwan ng mga yumao. Ito ay naranasan nina G. Marlon at Gng. Damasa Juevesano. Anila:
“Sobrang masama ang loob namin sa ginawa ng mga doktor ng DOH na nagsagawa ng autopsy sa aming anak. Hindi nila ipinaliwanag ang proseso ng gagawing autopsy. Nito lamang na isagawa ang muling pag-autopsy sa mga labi ng aming anak ay laking gulat kong makita na pinaghalu-halo ng mga doktor ng DOH ang mga laman-loob ng aming anak at ang mga ito ay hindi ibinalik sa dapat nilang kalagyan. Ang ibang mga organs ay hindi ibinalik sa katawan ng aming anak at ito ay hindi nila sinabi sa amin.”
Ang anak na tinutukoy ng mag-asawa ay si Gladimeir Juevesano, 13-anyos nang namatay noong Pebrero 25, 2018. Siya ang ika-46 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Gladimeir ay naturukan ng Dengvaxia sa isang barangay health center sa Cebu noong Agosto 4, 2017. Ani Aling Damasa tungkol sa nasabing pagbabakuna:
“Ako bilang isang health worker ay inatasan, kasama ng iba pang mga barangay health workers, ng mga doktor ng DOH sa amin na ilista ang pangalan ng mga batang may edad siyam hanggang 14 dahil sila raw ay babakunahan kontra dengue. Kasama po sa inilista ang pangalan ng aming anak. Ang nasabing bakuna ay proteksiyon daw kontra dengue at kapag sa pribadong klinika isasagawa ang nasabing pagbabakuna ay mahal daw ito. Dahil sa pag-aakalang makabubuti ito sa kalusugan ng aming anak, nagpasya kaming pabakunahan siya.”
Noong ikatlong linggo ng September, 2017, nagkaroon si Gladimeir ng pabalik-balik na lagnat at hirap siya sa paghinga. Nabawasan ang gana niyang kumain at siya ay nangayayat. Lumala ang kondisyon niya mula Enero 4, 2018 hanggang Pebrero 2018. Narito ang ilan sa mga detalye:
Enero 4 - Sa isang ospital sa Cebu, pagkatapos siyang maturukan ng antibiotics dahil diumano siya ay may pneumonia, biglang bumagsak ang kanyang kalusugan. Nilagnat ulit siya ng napakataas. Nawalan na siya ng lakas na tumayo at ganang kumain. Bumaba ang kanyang platelet, siya diumano ay may dengue fever.
Enero 8 - Dahil hindi nagbago ang kanyang sitwasyon, inilipat si Gladimeir ng ospital ng kanyang mga magulang kung saan inulit ang kanyang laboratory tests. Ayon sa mga resulta, hindi maganda ang kalagayan niya. Sinalinan siya ng platelet at dugo. Ang platelet count niya noon ay 13. Isinailalim din siya sa bone marrow aspiration at sinabing siya ay may Aplastic Anemia.
Enero 9 - Sinalinan ulit siya ng dugo dahil ang platelet count niya ay bumaba pa.
Enero 29 - Hindi naging maganda ang resulta ng follow-up check-up niya. Dahil ayaw niyang magpa-admit sa ospital, inuwi siya sa bahay.
Pebrero 5 - Sa ospital para sa kanyang follow-up check-up, bumaba ulit ang platelet ni Gladimeir kaya siya ay pina-admit. Dahil wala silang sapat na pera, inilipat siya ng ospital, ngunit hindi siya na-admit doon dahil puno na ito kaya inuwi siya sa kanilang bahay.
Pebrero 21 - 23 - Naging malubha ang kanyang kondisyon at hindi na nawala ang kanyang lagnat. Noong Pebrero 21, isinugod siya sa ospital. Noong Pebrero 23, inilipat siya sa ICU. Siya ay balisa na at sinabihan niya ang nurse na iuwi na lang siya dahil hindi na kaya ng kanyang katawan.
Pebrero 24 - 25 - Labis na siyang humina. Nagkakaroon ng sugat-sugat sa kanyang bibig na kapag nagdugo ay hindi na tumitigil. Hirap na hirap na rin siyang huminga kahit todo na ang oxygen niya. Naging kritikal ang kalagayan niya kinabukasan. Tuluyan na siyang in-intubate na siya namang kagustuhan niya. Humingi pa siya ng tulong sa kanyang mga magulang na i-pump ang dibdib niya dahil gustung-gusto niyang huminga, pero hindi na talaga kinaya ng kanyang katawan. Siya ay namatay alas-9:00 ng umaga noong Pebrero 25, 2018.
Pagkamatay ni Gladimeir, ipinagtapat ni G. Juevesano ang sumusunod:
“Pagkamatay ng aming anak, dagling may lumapit sa amin na doktor at kami ay hiningan ng pahintulot na isailalim sa autopsy ang aming anak. Sa pag-aakalang taga-PAO ang mago-autopsy sa aming anak, pumirma ako sa nasabing pagbibigay ng konsento. Habang ino-autopsy ang aming anak, may lumapit sa amin na abogado ng PAO at sinabi sa na ang opisina ng PAO ay hindi na mago-autopsy dahil mga tao na ng DOH ang kasalukuyang nago-autopsy sa aming anak. Ang aking kapatid ang humingi ng tulong sa PAO nang araw ding ‘yun, kaya laking-gulat namin nang malaman na mga tao ng DOH ang nag-o-autopsy sa aming anak.”
Dahil sa nangyaring ‘yun at sa naisalaysay sa itaas na pagkahalu-halo ng internal organs ni Gladimeir, ang mag-asawang Juevesano na ang humingi ng tulong sa PAO upang isailalim muli sa forensic examination ang mga labi ng kanilang anak. Mahusay, mapitagan, maingat at masinop na naisagawa ng PAO Forensic Team ang serbisyong kanilang hiniling. Ang ganitong uri ng paglilingkod — na libre ring ipinagkakaloob ng PAO — ang aming ipinaglalaban para sa mga katulad ng pamilya Juevesano na nangangailangan ng serbisyo ng mga kawani ng PAO Forensic Laboratory Division.
Comments