top of page
Search
BULGAR

Imported ‘minibus’, ‘di sagot sa problema ng transport group

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Enero 9, 2024


Nanawagan si Senate Minority Floor Leader Aquilino Pimentel Jr. sa Department of Transportation (DoTr) na repasuhing mabuti kung ano ang rason bakit hindi excited ang mga operator at driver na lumahok sa consolidation o walang-wala silang gana, na posibleng may malaking kakulangan sa panig ng ahensya sa pagpapakalat ng tama o kongkretong impormasyon na humahantong sa kilos-potesta ang mga ito.


Magugunitang ang konsepto ng konsolidasyon ay halos may pagkakahawig sa pamamalakad ng Metro Manila Transit Corporation (MMTC) noon sa liderato ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at pinamunuan nila ang pagpatakbo ng aircon bus na ‘Love Bus’.


Ang Love Bus na may nakamarkang “Save gas ride love bus” ay pinondohan noon ng administrasyon ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay bigla itong nagsara.


Maraming driver at konduktor ang nawalan ng hanapbuhay noon at ang pangyayaring iyon ang siyang kinatatakutan ng mga tsuper at operator ng tradisyunal na jeepney ngayon.


Ipinahayag ng traditional jeepney drivers at operators na noong panahon ng MMTC na pinondohan mismo ng pamahalaan ay nabigo ang sistemang konsolidasyon at hindi nakayang imaniobra ang pamamahala ng tuluy-tuloy, ay heto pa kayang ipinatutupad ng kasalukuyang konsolidasyon na wala umanong maipakitang pondo at kapani-paniwalang programa.


Sabagay kung tutuusin ay hindi naman dapat mawala ang tradisyunal na jeepney dahil lamang sa kakulungan ng tamang pagpapatupad ng DOTr na sa umpisa pa lamang ay mali na dahil sa utang agad ang simula na labis na ikinatatakot ng mga operator at driver.


Iginigiit naman umano ng DOTr na hindi dapat mangamba dahil hindi sila nag-iisa sa pagharap sa utang kung saan marami silang magkakasama na aako sa sitwasyon, ayon ‘yan mismo sa paliwanag ni Sen. Pimentel, habang hindi man lamang nagpapakita ng ‘successful pilot’ o kahit ng isang matagumpay na karanasan ng isang driver o operator na lumahok sa consolidation.


Kinuwestiyon din ni Sen. Pimentel ang mga ‘minibus’ na siyang unti-unting ipinapalit sa tradisyunal na jeepney, na hindi dapat dahil kung air pollution lamang umano ang pag-uusapan ay tiyak namang magbubuga rin ng usok ang mga minibus na ito sakaling umabot na ng 10 taon sa kalye.


Hindi umano talaga magtatagumpay ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) dahil sa tawag pa lamang ay mali na — modernized jeepney pero mukhang minibus na sobra pa ang mahal kumpara sa napakamurang jeepney na gawa sa ating bansa na mas matibay, kaya hindi talaga magkakasundo ang mga transport group at DOTr, paliwanag pa ni Sen. Pimentel, kaya tutol siya sa PUVMP na tiyak na nagpalakas lalo ng loob ng mga nagpoprotestang operator at driver.


Magkakalahating taon na nating tinututukan ang istoryang ito ng mga driver at operator na hanggang sa kasalukuyan ay ipinaglalaban ang kanilang hapag-kainan dahil sa pagpapatupad ng PUVMP at sana kahit sa napakaliit nating pitak na ito ay matulungan natin ang mga operator at driver sa bansa, na hindi na natutulog dahil sa labis na pag-aalala. 


Nawa ay makatulong tayo na maiparating sa kinauukulan ang mga karaingan ng ating mga driver at operator na kung bibigyang pansin lang natin ay malaki naman talaga ang punto kung bakit hindi dapat maipatupad ang PUVMP ng basta-basta na lamang at wala man lamang pruweba na magiging matagumpay ito, at tiyak na walang magugutom.


Sa creative side naman, ang modern jeepney ay minibus na ang tawag kaya ang modernization para sana sa mga jeepney operator ay nawalan na agad ng saysay dahil tila maglalaho na ang jeepney sa pagpapalit ng mga minibus habang maaaring mawala na rin ang isa sa ating cultural heritage.


 

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page