ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | March 11, 2023
Ngayong linggo, naging abala tayong muli sa ating iba’t ibang gawain maging sa labas ng Senado para magbigay ng kaunting tulong at solusyon sa mga problema ng ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya.
May mga hinaing talaga ang ating mga kapwa Pilipino na dapat nating pakinggan, na hindi makakarating sa atin kung nasa opisina lang tayo. Layunin natin sa ating pag-iikot sa mga komunidad ang maghatid ng serbisyo at mag-iwan ng kaunting ngiti sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.
Natutuwa tayo na ngayon ay patuloy ang pagdami ng mga itinatayong Super Health Center sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Ang Super Health Center ay ating inisyatiba at suportado ng aking mga kapwa mambabatas at siya namang ipinapatupad ng Department of Health (DOH) bilang bahagi ng ating layunin na mas ilapit pa ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga tao. Noong 2022, 307 Super Health Centers ang napondohan, at nasa 322 pa ngayong 2023. Personal tayong nagsasagawa ng inspeksyon at sinasaksihan ang paglulunsad ng bawat Super Health Center, sa imbitasyon na rin ng mga lokal na pamahalaan at ng DOH.
Ngayong araw, personal kong sinaksihan ang groundbreaking ng mga itatayong Super Health Centers sa Davao Oriental—isa sa Mati City at isa pa sa Lupon. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 500 mahihirap na residente sa Mati City at 1,000 mahihirap sa Lupon.
Noong Huwebes, nag-inspeksyon ako sa itinatayong Super Health Center sa San Jose, Tarlac, kung saan personal din tayong namahagi ng tulong para sa 973 katutubong Abellen at solo parents na taga-roon. Dinaluhan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Arayat, Pampanga, at pagkatapos ay nagkaloob ng ayuda sa 500 benepisyaryo. Nagkaroon din ng groundbreaking ng Super Health Center sa Lopez, Quezon, at Kadilingan, Bukidnon at bagama’t hindi tayo nakadalo, nagpahatid tayo ng mensahe ng pasasalamat sa kanilang LGU.
Noong Marso 8, binisita ko ang ating 275 kababayang nasunugan sa Bgy. Tatalon, Quezon City, habang ang aking staff ay nag-abot din ng tulong sa 649 residente ng Concepcion, Tarlac; 200 sa Pangil, Laguna; at 44 pamilyang nasunugan mula sa iba’t ibang barangay sa Cebu City. Nagkaroon din ng groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa Sumilao, Bukidnon.
Noong Marso 7, nagsagawa naman tayo ng inspeksyon sa itinatayong Super Health Center sa San Pedro City, Laguna, at nag-abot ng tulong sa 500 na mahihirap na residente. Masaya rin akong ibalita na nagkaroon ng groundbreaking ceremony para sa Super Health Center sa Malaybalay City, Bukidnon.
Pinupursige natin ang pagpapalakas sa ating healthcare system para hindi na tayo muling mabulaga. Sino ba ang nag-akala na sa buhay natin ay magaganap pala ang COVID-19 pandemic? Ang ganda na ng takbo ng ating ekonomiya at pataas na sa ilalim ng Duterte administration nang dumating ang pandemya. Ako naman, bilang Chair ng Senate Committee on Health, dapat mas handa tayo ngayon kung ano ang puwede nating gawin. Napakaimportante sa akin ng buhay at kalusugan ng bawat Pilipino.
Nag-file ako ng dalawang bill na marahil ay makakatulong para maging handa tayo—ang Center for Disease Control and Prevention Act, at ang Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) para mayroon na tayong kakayahan at kapasidad na lumikha ng sariling bakuna nang hindi tayo umaasa na lamang sa ibang bansa.
Kung inyong matatandaan, mahigit isang taon pa bago dumating ang bakuna kontra COVID-19 dito sa ating bansa. Para sa akin, gamitin natin ang talento ng mga Pilipino na makadiskubre at makapag-produce ng bakuna para maagapan ang mga virus, at iba pang sakit. ‘Yan ang magiging function ng VIP.
Sa Center for Disease Control and Prevention Act o Senate Bill 195, ipagpapatuloy naman natin ang pag-i-invest sa ating healthcare system. Hindi natin alam kung ito na ba ang huling pandemyang darating sa buhay natin. Ang CDC ang magiging center para sa mga eksperto tungkol sa infectious diseases. Sila ang mangunguna sa pagsugpo sa lahat ng banta sa kalusugan ng ating mamamayan. Sa ibang bansa, ang mga expert na ito ang naging instrumental sa panahon ng pandemya at nasa gitna ng laban sa COVID-19. Naniniwala ako sa kakayahan ng mga Pilipino na eksperto rin sa infectious diseases, at dapat silang mabigyan ng suporta ng pamahalaan.
Patuloy naman ang ating tanggapan sa pagbibigay ng tulong sa iba pa nating kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap tayong sumaklolo sa mga nasunugan, gaya ng 107 na pamilya sa Baseco, Manila City; at 201 rin sa North and South Caloocan City.
Nahatiran din ng tulong ang 333 biktima ng pagbaha sa Balangiga, Eastern Samar.
Naalalayan din natin ang 450 solo parents at PWDs sa Biñan City, Laguna; gayundin ang mahihirap na pamilya gaya ng 251 sa Bgy. San Isidro, Tarlac City; 33 sa Floridablanca, Pampanga; at 33 sa Mariveles, Bataan.
Nitong Biyernes naman, dinaluhan natin ang National Convention ng Philippine Councilors League sa World Trade Center sa Pasay City. Halos pareho lang kami ng trabaho ng mga konsehal—national ang mga senador, city o municipal level naman ang mga konsehal. Pero iisa lang ang layunin naming, ang makapagserbisyo sa mga Pilipino, lalo na ang mahihirap at nangangailangan. Kaya ipinapaalala ko na dapat nating isaalang-alang ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, unahin dapat ang pagseserbisyo sa mga tao.
Sa paghahatid ng serbisyo sa publiko, hindi sapat ang pagkakaroon lang ng magagandang polisiya at programa. Kailangang naipatutupad ito at naisasakatuparan para maramdaman ng mga tao ang positibong epekto nito sa kanilang buhay. Ginagawa ng inyong Senador Kuya Bong Go ang kanyang makakaya para maisulong ang mga inisyatibang makakatulong sa pag-unlad, lalo na sa mahihirap. Magtulungan lang po tayo.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios