ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | May 25, 2024
Kamakailan, pinangunahan ni Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual, kasama ang iba pang kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno ang paglagda sa implementing rules and regulations (IRR) ng Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Law o ang RA 11981.
Ito ang batas na ating iniakda at inisponsor sa Senado. Nagpapasalamat naman tayo sa DTI sapagkat nakapaglabas sila ng IRR ilang buwan matapos pagtibayin ni Pangulong Marcos ang batas nitong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Ang batas na ito, sa kabuuan ay nahulma sa tulong ng mga eksperto mula sa USAID-RESPOND (Regulatory Reform Support Program for National Development), habang ang guidelines ay nabuo sa pamamagitan ng public consultations at group discussions.
Sa mga susunod na buwan, inaasahan nating magkaroon na ng mga pormal na nominasyon para sa apat na kinatawang magmumula sa pribadong sektor na uupo sa Tatak Pinoy Council (TPC), base sa pag-appoint ng Pangulo; roadshow ng Department of Trade and Industry na magsusulong at magpapaliwanag sa mga stakeholders ng mga mahahalagang punto ng TP Law; at ang paglalabas ng TPC ng listahan ng mga produkto at serbisyong Pinoy na bibigyang prayoridad sa government procurement.
Ayon kay DTI Undersecretary Fita Aldaba, matapos ang IRR signing, binigyang kakayahan ng DTI, NEDA at ng DOF ang TP Council na makapag-isyu ng anumang guidelines, circulars at mga opinyong mahalaga para sa pagpapatupad ng TP Law, at sa pakikipagpulong sa mga private and public sectors na kabilang sa konseho ng TPC.
Maaari na ring makapagtalaga ng working groups ang TPC tulad ng Human Resources; Infrastructure; Technology and Innovation; Investments and Sound Financial Management.
Sa napakaraming taon na nakalipas, naging masugid ang DTI sa iba’t ibang industrial initiatives and strategies na nagsimula sa Comprehensive National Industrial Strategy o CNIS mula 2012 hanggang 2016, kung saan nakabilang ang Manufacturing Resurgence Program o MRP; ang Inclusive Innovation Industrial Strategy mula 2016 hanggang 2021; at ang STI (Science, Technology and Innovation)-driven Industrial Policy noong 2022.
Sa kabila ng mga pagsisikap na ito ng DTI na mapalakas ang mga inisyatibo para sa industrialisasyon, hindi kakayaning mag-isa ng ahensya ang mga hakbang na ito dahil hindi naman sila lang ang responsable sa pagpapalago ng ating ekonomiya.
Dapat lang talaga ay makipagtulungan sa kanila ang iba pang ahensya ng gobyerno, liban pa sa DOF, NEDA, Department of Agriculture (DA), ang Department of Information and Communications Technology (DICT), at ang Department of Budget and Management (DBM) kundi maging ang industry champions ng Pilipinas tulad ng trade associations, small and medium enterprises, entrepreneurs at maging ang sektor ng akademya. Ito ang sa tingin natin, ay ang kulang sa pagnanais nating mapalakas ang mga industriya sa bansa.
Inaayunan natin ang pahayag ni DTI Secretary Pascual habang isinasagawa ang signing ceremony na sa pagpapatupad ng batas na ito, kailangan ang “whole-of-nation” approach. Kailangan talaga ang nagkakaisang suporta sa TP Law para maabot natin ang napakagandang pangarap ng batas na ito para sa ating mga industriya.
Sa ngayon, dahil inilabas na ang rules and regulations ng TP Law, makaaasa tayo na marami sa mga layunin ng batas na ito ang magkakaroon ng realisasyon na magiging kapaki-pakinabang sa bansa at sa mamamayan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments