ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 2, 2021
Simula ngayong araw, ipinatutupad na ang Child Safety in Motor Vehicles o Child Car Seat Law sa bansa.
Sa ilalim ng batas, kailangan ng child restraint system para sa mga batang pasahero ng pribadong sasakyan upang maiwasan ang injury o pagkamatay sakaling masangkot sa aksidente.
Gayunman, ang drayber na lalabag ay papatawan ng multang P1, 000 sa unang paglabag; P2, 000 sa ikalawang paglabag at P5, 000 at isang taong suspensiyon ng driver’s license sa ikatlong paglabag.
Ang Land Transportation Office (LTO) ay nagsimula nang magsanay ng fitters at enforcers, gayundin ang pag-develop ng guidelines para sa implementasyon ng batas, habang ang Department of Trade and Industry (DTI) naman ay naglabas ng mandatory product certification sa car seat.
Habang nagsisimula nang ipatupad ang batas, sinabi ng LTO na manghuli sila ng mga lalabag matapos ang tatlo hanggang anim na buwan.
Sa totoo lang, dapat na talaga itong maipatupad sa bansa. Sa dami kasi ng balagbag na drayber dito, kailangang handa tayo, lalo na ‘pag kasama ang mga bata.
Panawagan lang sa mga awtoridad, sana ay mahigpit itong maipatupad, lalo na ngayong may ilan pang bagay na dapat tingnan.
Kabilang na ang mga sasakyang tinted kung saan inamin ng isang opisyal ng LTO na mahihirapan silang makita kung nasa car seat ang bata kung tinted ang sasakyan.
Gayunman, habang ipinatutupad ito, hangad nating magkaroon ng solusyon sa ganitong mga isyu. Baka kasi ang ending, magpa-tinted na lang ng sasakyan ang iba sa halip na maglagay ng car seat.
Pakiusap lang sa mga private car owners, kung alam ninyong kailangan nito, ‘wag nang hintaying masampolan pa kayo bago sumunod.
Importanteng ngayon pa lang, paghandaan na natin ang batas dahil para rin naman ito sa kaligtasan ng inyong mga batang pasahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments