ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 8, 2025
![Prangkahan ni Pablo Hernandez](https://static.wixstatic.com/media/a09711_f05be13bfab84408bf6c80a7b1779d00~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/a09711_f05be13bfab84408bf6c80a7b1779d00~mv2.jpg)
MAY PUNTO SI CONG. UNGAB SA SINABING DIVERSIONARY TACTIC ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA PARA PANTAKIP SA BLANK BUDGET DOCUMENTS SA 2025 GAA -- Para kay Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ay diversionary tactics lang daw ang pag-aprub ng Kamara na ma-impeach si Vice Pres. Sara Duterte para mailihis dito ang isyu tungkol sa kinukuwestiyong mga blank budget documents sa pinirmahang 2025 General Appropriations Act (GAA).
Parang ganu’n nga, kasi ilang araw lang matapos kuwestiyunin nina Cong. Ungab at senatorial candidate, former Executive Sec. Vic Rodriguez ang legalidad ng mga blank budget document sa 2025 GAA, ay saka in-impeach ng Kamara si VP Sara, period!
XXX
SIGURADONG REJECT ANG IMPEACHMENT KAY VP SARA KAPAG NANALO LAHAT NG SENATORIAL CANDIDATES NI EX-P-DUTERTE -- Sinabi ni Senate President na sa June 2, 2025 o after election na didinggin ng Senado bilang impeachment court ang mga impeachment complaints laban kay VP Sara.
Kaya kapag sa senatorial election ay lahat ng kandidato ni ex-P-Duterte sa pagka-senador ang mga nagsipagwagi, siguradong absuwelto sa kasong impeachment si VP Sara, reject impeachment sa kanya, abangan!
XXX
SA IMPORTASYON LANG PALA MAGALING SI DA SEC. LAUREL -- Matapos na ianunsyo ni Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) na may nagbabadyang krisis ng sibuyas sa bansa, sinundan niya ito na need daw ng gobyerno na mag-import ng 4,000 toneladang sibuyas.
Nang italaga ni PBBM si Sec. Laurel sa DA, daming senador at kongresistang pumuri rito, magaling daw, eh ‘yun pala, sa importasyon lang magaling, pwe!
XXX
NAKAKAKABA ANG OIL PRICE ROLLBACK DAHIL ANG KABUNTOT NIYAN BIGTIME OIL PRICE HIKE NA NAMAN -- Nagbida na naman ang Dept. of Energy (DOE) na may oil price rollback next week, pero kung ang iru-rollback lang ay kakarampot, P0.30 sa gasolina, P0.50 sa diesel at P0.25 sa kerosene.
Sa totoo lang, nakakakaba kapag may ganyang announcement na oil price rollback, kasi malamang may kabuntot iyan, bigtime oil price hike na naman, boom!
Comments