ni Lolet Abania | November 18, 2020
Naglabas ng anunsiyo ang Bureau of Immigration (BI) ngayong Miyerkules para sa lahat ng kanilang airport personnel kung saan hindi papayagang mag-on leave simula December ang mga ito dahil nais tiyakin ng ahensiya na mabibigyang serbisyo ang mga travelers lalo na’t paparating ang holiday season.
Sa isang statement ni Immigration Commissioner Jaime Morente, binanggit niyang lahat ng BI port personnel ay hindi maaaring magsumite ng kanilang vacation leave mula December 1 hanggang January 15, 2021.
Kabilang sa hindi papayagan munang magbakasyon na Immigration personnel ay mga nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport, airports ng Mactan Cebu, Clark, Pampanga; Kalibo, Iloilo, Davao at Laoag; at Zamboanga international seaport, ayon kay BI Port Operations Division Chief Candy Tan.
“Thus, we are confident that the number of Immigration officers currently deployed at the ports are enough to facilitate the efficient conduct of immigration formalities for arriving and departing passengers,” ani Morente.
Inaasahan naman ng BI na kakaunti ang mga darating na pasahero hanggang sa matapos ang taon dahil sa matinding epekto ng pandemya ng COVID-19 sa industriya ng turismo sa buong mundo.
Ayon sa Immigration records, nasa 3.5 milyong pasahero lamang ang dumating mula January hanggang September, kung saan napakababa kumpara sa halos 13 milyong travelers na pumasok sa bansa sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Comments