top of page
Search
BULGAR

Imbis na magpasalamat, anak wa’ utang na loob

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 2, 2024


Dear Sister Isabel,


Sumangguni ako sa inyo dahil hindi ko na alam ang maipapayo ko sa aking anak.


Nasa mabuti naman na siyang kalagayan ngayon pero reklamo pa rin nang reklamo.


Dati nangungupahan lang sila sa probinsya, pero ngayon ay nasa magandang subdivision na sa Cavite. Libre lang kanilang tinutuluyan dahil pinatira siya roon ng sister niya na siyang nakabili ng bahay at nagtatrabaho sa abroad.


Paglabas ng gate, naroon na agad ang school na pinapasukan ng dalawang anak niya.


‘Yung panganay na anak niya ay malapit lang din doon ang school na pinapasukan. Sa halip na magpasalamat ay marami pa rin siyang reklamo. Kahit naman noong nandito siya sa probinsya ay ganundin. Marami siyang problema partikular na sa panggastos araw-araw, hindi raw sapat ang ipinapadala ng asawa niya na nagtatrabaho ngayon sa abroad. Kulang na kulang umano kaya ngayon nagbabalak siyang iwan ang bahay na tinitirahan niya ngayon sa Cavite at gusto na naman niyang bumalik dito sa probinsya at mangupahan muli.


Mas magastos daw doon sa exclusive subdivision na tinitirahan niya. Sa tuwing pinapayuhan ko siya, palagi niya akong binabara, ‘di pa ko natatapos sa sinasabi ko ay kumokontra na agad siya.


Sa totoo lang, hindi siya marunong dumiskarte sa buhay. May mga opportunities naman na puwede niyang gawing sideline, ayaw niya lang sunggaban. Kung anu-ano pa ang ikinakatwiran. Ano kaya ang dapat kong gawin sa anak kong ito?


Nagpapasalamat,

Nanay Marina 


Sa iyo, Nanay Marina,


Mayroon talagang anak na ganyan, nagsasalita pa lang ang nanay, kinokontra na agad, at hindi muna hayaang matapos. Kung ganyan ang pag-uugali niya, hayaan mo na silang mag-asawa ang mag-usap. Dumistansya ka na sa kanya, tutal nasa tamang edad na ‘yang anak mo. Kung papayuhan mo siya ay balewala rin dahil binabara rin niya ang mga sinasabi mo.


Ipagdasal mo na lang na mamulat ang isip niya sa diskarteng dapat gawin para magkasya ang perang pinapadala ng kanyang asawa. Maliwanagan nawa na ang kanyang isip para ‘di rin siya magipit ngayon. Ang intindihin mo ngayon ay ang sarili mo.


Alagaan mo ang sarili mo para ‘di ka rin ma-stress at magkasakit. Sa edad mo ngayon, nararamdaman ko may iniinda ka na rin sakit sa katawan. Health is wealth.


Ingatan mo ang iyong katawan. Huwag mong problemahin ang buhay, ang pinakamaganda mong gawin ngayon ay tawagan ang Diyos, sa kanya mo isangguni lahat ng pinag-aalala mo kasama na ang problema mo sa iyong anak.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page