ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 5, 2022
Suportado natin ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang pagpapatayo ng mga resort sa Upper Marikina Watershed at Marikina Georeserve sa lalawigan ng Rizal.
Kasama sa direktiba ang pag-imbestiga rin ng mga ulat ng illegal quarrying at mining sa Marikina Georeserve.
Ipinagbabawal sa Republic Act 11038 o Expanded National Integrated Protected Area Systems Act of 2018 at Forestry Reform Code of the Philippine ang pagtayo ng mga ilegal na istruktura sa mga protected area ng bansa.
☻☻☻
Dumating ang direktiba matapos sumulat sa Pangulo ang mga environmentalist at educators na suspendihin ang mga illegal activities sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape.
Nitong Pebrero, 2 forest ranger ang nasugatan pagkatapos silang atakihin ng mga diumano’y residente ng Baras, Rizal.
Ngunit ayon sa Masungi Georeserve Foundation, isa sa mga suspek ay empleyado ng resort na nabigyan ng cease-and-desist order ng DENR dahil sa mga illegal structure sa protected area.
☻☻☻
Napakahalaga ng 26,126-hectare UMRBPL at Marikina Georeserve, na nasa 2,700 hectares sa loob nito, hindi lang sa biodiversity kundi pati na rin sa pag-kontrol ng baha.
Kaya nananawagan tayo sa DENR na seryosohin ang direktibang ito.
Bukod sa imbestigasyon, nais nating makita na mabaklas ang mga ilegal na istruktura at masampahan ng kaso ang mga responsable sa pagsira ng mga likas na yaman natin.
☻☻☻
Umaasa rin tayo na magkaroon ng sapat na proteksyon ang ating mga forest ranger at environmental activist.
Ang Pilipinas kasi ang tinaguriang "deadliest place" sa Asia para sa mga environmental activist, at 3rd deadliest sa buong mundo.
Ayon pa sa International Ranger Federation, 44 percent ng "line of duty deaths" sa mga forest ranger ay homicide.
Ayon sa MGF, gamit ang data mula sa United Nations Development Programme, ito ay dahil sa mayroon lamang 1 ranger sa bawat 4,000 hectares ng protected area sa bansa.
☻☻☻
Kailangan nating bigyang-prayoridad ang mga natitira nating likas na yaman, lalo na ang mga protected area, sa harap ng banta ng climate change.
Habang lumalala ang mga bagyo at tumitindi't dumadalas ang pagbaha, ang mga protected area rin ang magbibigay sa atin ng proteksyon laban sa epekto ng nagbabagong klima.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments