top of page
Search
BULGAR

Imbes nag-aaral, meron na agad pamilya… Tuldukan ang child marriages sa bansa!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 20, 2022



Ayon sa United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF), ang Pilipinas ay pang-12 sa may pinakamaraming bilang ng child marriages sa buong mundo. At dahil sa kasalukuyang pagsasara ng mga paaralan, pagkaantala ng mga serbisyo, at pinsala sa ekonomiya na dulot ng pandemya, nagbabala ang ahensiya na maaaring umabot ang bilang ng child marriages sa buong mundo sa 10 milyon sa pagwawakas ng dekada.


Kaya naman, ang pagsasabatas ng panukalang pataasin ang statutory rape age mula 12 hanggang 16 ay makatutulong upang masugpo ang child marriages sa bansa.


Kakaapruba lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ng panukalang batas na nagbabawal sa child marriages o ang Republic Act No. 11596.


Ang child marriage ay kasal, kung saan ang isa o parehong indibidwal ay wala pang 18 taong gulang. Sa ilalim ng bagong batas, kabilang sa mga ipinagbabawal ang pagsasaayos o pagtutulak sa child marriage, kabilang ang pagsasagawa ng mga ritwal upang bigyan ito ng basbas.


Ipinagbabawal din sa batas ang pagsasama sa pagitan ng adult o nakatatanda at ng menor-de-edad na hindi pa ikinakasal.


Noong nakaraang taon ay niratipikahan na ng Kamara at Senado ang bicameral conference committee na nagtataas sa edad ng pagtukoy ng statutory rape. Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture at isa sa mga may akda ng Senate Bill 2332, naniniwala ang inyong lingkod na ang pagbabawal sa child marriages at ang mas mataas na edad sa pagtukoy ng statutory rape ay mahalaga sa pagsugpo ng mga itinuturing na gender-based violence at paglabag sa karapatang-pantao.


Ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA), marami sa mga batang babaeng ikinakasal sa murang edad ang nakararanas ng maaga at paulit-ulit na pagbubuntis at panganganak.


Ayon sa 2017 National Demographic and Health Survey (NDHS), mahigit 26 na porsiyento ng mga ikinasal na babaeng may edad na 15 hanggang 19 ang nakaranas ng karahasang pisikal, seksuwal at emosyunal.


Batay naman sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa taong 2019, lumalabas na dalawa sa tatlong batang babae ay nabuntis ng nakatatanda sa kanila ng humigit-kumulang 20-taon. Ito ay mula kay Commission on Population and Development (POPCOM) Executive Director Juan Antonio Perez III. Sinabi rin niyang ipinakikita nito na ang mga batang babaeng may edad na 11 hanggang 12 ay biktima ng power play at seduction o pang-aakit.


Noong 2000, ang bilang ng mga batang may edad na 10 hanggang 14 na nanganak ay mahigit 755 lamang. Ngunit ayon sa POPCOM, umabot na ito sa mahigit 2,411 sa taong 2019 — katumbas ng pito kada araw.


Kung maisasabatas sa lalong madaling panahon ang pagtaas ng statutory rape age, mas mapaiigting natin ang mga hakbang upang tuluyang masugpo ang child marriage sa bansa. Ang kabataan ay dapat patuloy na nag-aaral at hindi nagpapakasal sa murang edad. Napapanahon na para tuldukan ang ganitong uri ng pang-aabuso at karahasan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page