ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | June 28, 2021
Sasabak na sina Pinoy International Masters Daniel Quizon, Michael Concio Jr. at Paulo Bersamina kasama na ang 203 iba pang woodpushers sa prestihiyosong FIDE World Cup sa Galaxy Entertaining Center ng Gazprom Mountain Resort sa Krasnaya Polotana, Sochi simula sa Hulyo 12, 2021.
Naselyuhan nina Quizon (rating: 2319) at Concio (rating: 2397) ang kani-kanilang upuan sa malupit na pagtitipon ng mga disipulo ng ahedres matapos nilang dominahin ang Asian Zonals 3.3 Qualifying Tournament. Si Quizon ang naghari sa kompetisyon habang si Concio ang 2nd.
Sa kabilang dako, nominado ng National Chess Federation of the Philippines o NCFP ang paglahok ni Bersamina (rating: 2462) sa FIDE World Cup sa Open bracket.
Dehado ang troika sa unang round palang dahil puro mas matataas nang hindi hamak ang rating ng makakatunggali. Kung kukurap sila empake na ang susunod nilang hakbang. Pero sa rami ng Grandmasters, maganda ang tsansang makakuha ng GM norms ang tatlong Pinoy chessers.
Babangga sa pader si Quizon, 17-anyos, sa pambungad na round kay Russian GM Evgeny Bareev ng Canada. Ang 54-anyos na haharap sa binatilyong Pinoy ay minsang naging pang-4 sa world ranking at may rating na 2638.
Si GM Aravindh Chithambaram, may rating na 2641, ang unang balakid ng 16-anyos na si Concio. Ang 21-anyos na katunggali ng huli sa bakbakang naglalatag ng cash pot na $1,892,500 sa mga kalahok ay dalawang beses nang naging hari ng chess ng world chess power India.
Pinakamalakas sa mga balakid ng Pinoy woodpushers ay si GM Rameshbabbu Praggnanandhaa mula India na nakatoka kay Bersamina. Ang 15-anyos ay isang protegee itinuturing na pang-apat sa naging pinakabatang Grandmaster ng bansa. May rating na 2608.
Comments