ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | May 04, 2021
Sinilat nina International Master Michael Concio Jr. at hindi tituladong si Michael Gotel ang mga pinapaborang katunggali mula sa Singapore at Indonesia ayon sa pagkakasunod-sunod samantalang nagwagi si IM Daniel Quizon kontra sa isang Thai upang manatili sila sa liderato at ibigay sa Pilipinas ang makinang na araw sa ginaganap na FIDE World Cup 2021 Qualifying Tournament - Asian Zonals 3.3.
Kinailangan lang ni Concio ang 31 sulong para magabayan sa tagumpay ang mga puting piyesa laban kay Singaporean IM Jingyao Tin. Ang binatilyong Pinoy, 16-anyos, ay seeded 16th lang dahil sa kanyang 2297 na rating habang si Tin, 20-anyos ay pangatlo sa mga paboritong manalo sa torneo bunga ng bitbit na 2482 na rating.
Ginulat ni Gotel, 48-anyos, may rating na 2238 at pang-21 lang sa seedings, si 8th ranked IM Jodi Azarya Setyaki, 22-anyos na may 2389 na rating mula sa Indonesia, pagkatapos ng 33 galaw gamit pa ang dehadong itim na piyesa.
Pinasuko rin ni Quizon, 17-anyos 13th seed at may rating na 2319, si CM Prin Laohawirapap ng Thailand pagkatapos ng 19 moves gamit din ang itim na piyesa para sa pangalawang sunod na panalo kagaya nina Concio at Gotel.
Kasosyo ng tatlong pag-asa ng Pilipinas sa paghawak ng trangko sina FIDE Master Pitra Andyka (18th seed, rating: 2276), IM Theolofus Yoseph Taher (4th seed, rating: 2455) at IM Mohamad Ervan (10th seed, rating: 2356) na pawang mga pambato sa Indonesia sa paligsahang ginaganap sa pamamagitan ng hybrid na format na inilatag ng world governing body na FIDE.
Comments