ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | February 8, 2021
Ipinatikim ng Iloilo Kisela Knights sa Caloocan “Siga ng Norte” Loadmanna Knights ang saklap ng unang pagkatalo, 11.5-9.5, upang maging instrumento sa pagkabulabog ng leaderboard noong Sabado ng gabi sa virtual matches ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) All Filipino Conference.
Pagkatapos nito ay inilampaso ng Iloilo, pinamumunuan ni GM Rogelio "Joey" Antonio, Jr., ang Cagayan Kings, 18.0-3.0, samantalang nang nahimasmasan ang Caloocan, nakasandal sa liderato nina International Master Paulo "fastestmanalive" Bersamina at IM Juan Emmanuel Garcia, upang maibagsak ang Iriga City Oragons, 15.5-5.5.
Dahil dito, muling nagkita ang Caloocan at San Juan Predators sa tuktok ng North Division dala ang kartadang 12-1 panalo-talo habang magkakasalo na sa liderato ng South Division ang Iloilo, Camarines Soaring Eagles at Negros Kingsmen bitbit ang kani-kanyang 11-2 na rekord malaking susi ang panalo ng Iloilo laban sa Caloocan. Nasa pangatlong puwesto sa North Division ng pinakaunang professional chess league sa Timog Silangang Asya ang Laguna Heros na may kagaya ring grado na 11 panalo mula sa 13 matches.
Naitakas ng San Juan, sa pamumuno ni GM Oliver Barbosa, ang mga panalo kontra sa Zamboanga Sultans, 15.0-6.0, at Camarines, 14.0-7.0 samantalang kinaldag ng Negros ang mga karibal mula sa Olongapo, 16.0-5.0 bago ito nasingitan ni IM John Marvin Miciano at ng mga Manila Indios Bravos, 10.0-11.0. Ang Camarines ay nakaukit ang panalo mula sa pakikipagharap sa Antipolo Cobras, 13.5-7.5 sa iba pang resulta ng mga sagupaang north vs. south na tema. Base sa tuntunin ng paligsahan, pagkatapos ng round robin sa kani-kanyang dibisyon, sasagupain ng bawat koponan ang mga karibal sa kabilang pangkat.
Comments