ni Lolet Abania | June 16, 2022
Niyanig ng magnitude 5.3 na lindol ang Candon City sa Ilocos Sur ngayong Huwebes ng hapon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naitala ang lindol ng alas-2:08 ng hapon na tectonic ang pinagmulan at may lalim na 10 kilometro.
Ang epicenter nito ay matatagpuan sa layong 53 kilometro timog-kanluran ng Candon City. Naramdaman ang pagyanig ng Intensity I sa Baguio City at Itogon, Benguet.
Gayundin, naitala ang Instrumental Intensity III sa Vigan City, Ilocos Sur; Intensity II sa Sinait, Ilocos Sur; San Antonio, Zambales; Bolinao at Dagupan City, Pangasinan; at Intensity I sa Infanta, Pangasinan; Pasuquin at Laoag City, Ilocos Norte.
Ayon sa PHIVOLCS, wala namang nai-report na pinsala subalit asahan na ang mga aftershocks matapos ang lindol.
コメント